Pagsuot ng face mask required pa rin sa loob ng pribadong sasakyan kahit magkakapamilya – LTO

Imahe mula sa ontheroadtrends.com
  • Required pa rin ang pagsusuot ng face mask sa loob ng pribadong sasakyan
  • Ito ay kahit pa magkakapamilya ang magkakasama sa sasakyan
  • Hindi naman ito applicable sa mga nag-iisa lamang

Iginiit ng Land Transportation Office (LTO) na kailangan pa ring magsuot ng face mask ang driver at kaniyang mga pasahero sa loob ng pribadong sasakyan kahit pa sila ay magkakapamilya.

Marami kasi ang nagtatanong kung ano ang basehan sa siyensiya sa ganitong patakaran dahil pagdating naman daw sa bahay ay nagkakahalubilo sila nang walang suot na face mask.

LTO chief Edgar Galvante| Imahe mula sa PIA

Sa press briefing nitong Martes, ipinaliwanag ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Edgar Galvante na itong pinaiiral na panuntunan ng IATF at Department of Health (DOH) ay hindi nagdi-differentiate kung magkakapamilya o hindi kapag nasa loob na ng sasakyan.

Ganunpaman, sinabi rin ni Galvante na kasalukuyan na itong nirerepaso ng dalawang ahensiya upang mabigyang linaw ang publiko.

“Para mawala ang pangamba, ang gusto natin dito ma-check ang maaaring pag-spread ng virus. Pero I understand na rereview-hin ito ng IATF o DOH, pero kung ano adjustment sa kanilang issuance, tutugon ang LTO dito,” paliwanag ni Galvante.

Nlinaw din ng opisyal na ang sinumang sisitahin ng LTO tungkol dito ay hindi naman agad papatawan ng multa.

“Pero pansamantala, kung kayo ay masisita hindi naman kayo pagmumultahin or whatever. Ipapaliwanag iyong kahalagahan iyong pag-uutos na kailangan nakasuot ang face mask,” ayon kay Galvante.

Imahe mula sa Physician’s Weekly

Sa naunang panayam sa radyo kay LTO NCR director Clarence Guinto nitong Lunes, sinabi rin nitong ito talaga ang patakaran ngayon ng LTO at sinumang lumabag ay pagmumultahin ng P2,000 para sa mga pribadong motorista at P5,000 para sa mga pampublikong sasakyan.

“Kung galing kayo sa isang bahay, ‘di rin nasasabi sa regulation, dapat mag-face mask pa rin. It does not distinguish kung magkasama kayo sa bahay or hindi as long as you are 2 or more,” ani Guinto sa panayam ng DZMM Teleradyo.

Ang ganitong patakaran, ayon pa sa LTO, ay applicable lamang sa mga may pasahero at kung nag-iisa lamang ay hindi na kailangang magsuot pa ng face mask ang driver habang  nasa loob ng kaniyang sasakyan.

Loading…