Palasyo bukas sa panukalang ‘Covid vaccine-palit-Pinoy nurses’ ng DOLE: “Bakit hindi?”

Imahe mula sa SCMP
  • Bukas ang Malakanyang sa panukala ng DOLE na payagan ang mga nurses mangibang-bansa kapalit ng COVID vaccine
  • Wala umanong masama kung madagdagan pa ang supply ng bakuna sa bansa
  • Umalma naman dito ang ilang indibidwal at grupo ng mga nurses

Walang nakikitang masama ang Palasyo sa panukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pakawalan ang ilang mga Pinoy health workers, partikular na ang mga nurses, kapalit ng donasyong COVID-19 vaccine mula sa bansang UK at Germany.

Ginawa ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag matapos tanungin kung ano ang reaksiyon ng Malakanyang sa suhestiyong ito na unang inilabas ni Labor Sec. Silvestre Bello III.

Ayon kay Roque, bagama’t marami nang na-order na bakuna ang Pilipinas, hindi naman daw masama kung mas madadagdagan pa ito.

Sec. Bello| Imahe mula sa DOLE

“Nag-order po tayo, sapat, sobra-sobra pa nga po, mga 90 million nga po ang in-order natin, sinobrahan na natin. Pero siyempre kung mas marami pang supply ang makukuha natin, bakit hindi?” ani Roque.

Sa panukala ng DOLE, maaari umanong tanggalin ng Pilipinas ang limit sa 5,000 nurses at health workers na puwedeng ipadala sa UK at Germany kada taon kapalit ng donasyong bakuna mula sa dalawang bansa.

Subalit nilinaw ni Roque, na hindi ito ideya ng Palasyo at hindi pa rin umano nasabihan ang Pangulo tungkol dito.

“Hindi po ito ideya ni Presidente. Ideya po ito ni Secretary Bello at Secretary Locsin na wine-welcome din natin because more is better than less,” saad ni Roque. “The President was not informed of this proposal, as far as I know.”

Binatikos naman ng ilan ang panukalang ito ng DOLE, kabilang na si dating Vice President Jejomar Binay.

Ayon sa pahayag ni Binay, ‘insensitive’ at ‘dehumanizing’ ito. Hindi rin umano isang ‘commodity’ ang mga Pinoy nurses para ‘ipagpalit’ lamang sa bakuna.

Ganito rin ang sentimyento ng isang grupo ng mga nurses.

Ani Jocelyn Andamo, secretary general ng grupong Filipino Nurses, “We are disgusted on how nurses and health care workers are being treated by the government as commodities or export products.”

Loading…