Palasyo kay Lacson hinggil sa usapin ng VFA: ‘Di lang binasa ng Pangulo ang Konstitusyon, abogado pa siya’

Imahe mula sa Panay News/TopNews
  • Sinagot ng Palasyo ang naging pahayag ni Lacson sa usapin ng VFA
  • Ayon kay Roque, ‘di lang basta binasa ng Pangulo ang Konstitusyon
  • Abogado rin umano ang Pangulo at pasado pa sa Bar

Tila pinasaringan ng Palasyo si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson matapos hikayatin ng huli si Pangulong Rodrigo Duterte na basahin ang 1987 Constitution kung saan nasasaad umano rito na mayroong ‘pakialam’ ang isang senador sa usapin ng international na kasunduan.

Nag-ugat ito sa sinabi ni Duterte na walang pakialam si Lacson o ang Senado sa usapin ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos dahil ang Presidente lamang ang may kapangyarihang magdesisyon pagdating sa foreign relations ng bansa.

Imahe mula sa PCOO

Nitong Miyerkules, binuweltahan ni Presidential Spokesperson Harry Roque si Lacson sa pamamagitan ng pagsabing abogado rin ang Pangulo at hindi niya lang basta binasa ang Saligang Batas.

“Hindi lang po binasa ng ating Presidente ang Saligang Batas, abogado pa po siya. Pumasa po siya ng Bar, kung saan isa po sa tinanong o subject area para sa examination ay ang constitutional law,” ani Roque.

Ayon pa sa tagapagsalita ng Malakanyang, bagama’t hindi nakasaad sa Konstitusyon na ang Presidente ang ‘chief architect’ ng foreign policy ng bansa, napatunayan na ito sa napakaraming nagdaang desisyon ng Korte Suprema.

“Kasama na po iyong mga kaso ng Pimentel versus Executive Secretary at iyong Bayan versus Zamora at iyong Salonga versus Executive Secretary to name a few,” dagdag pa ni Roque.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Sa usapin naman ng isang treaty o tratado, sang-ayon umano siya sa paninidigan ng senador na ito ay dapat may concurrence ng Senado na nasasaad sa Saligang Batas. Gayunpaman, ang VFA raw ay hindi isang tratado na instrumento lamang para sa foreign policy.

“Ito po ay pagpapatupad lamang ng isang tratado at ang tratado na pinapatupad ng VFA ay ang Mutual Defense Treaty,” giit pa ni Roque.

Paliwanag pa ng kalihim, totoo ring may nakabinbing kaso sa Korte Suprema ngayon na ang isyu ay kung kinakailangang mag-concur ang Senado sa pag-alis natin sa VFA. Subalit wala rin naman umanong Temporary Restraining Order (TRO) na nailabas ang nasabing korte na maging dahilan para ang Presidente ay pupuwede nang bumitaw sa VFA kahit kailan niya gustuhin.

Loading…