Palasyo nilinaw na kailangan pa rin ang inspection sa sasakyan kahit ‘di na mandatory ang MVIS

Imahe mula sa LTO - Facebook
  • Nilinaw ng Palasyo na kailangan pa rin ang vehicle inspection para makapagparehistro ng sasakyan
  • Dapat ay mayroong alinman sa emission testing o MVIS certificate
  • Pumayag na rin daw ang mga PMVICs na P600 lang ang sisingilin ngayong pandemya

Nilinaw ng Malakanyang na kailangan pa rin ang alinman sa emission testing o ang private motor vehicle inspection certificate upang makapagrehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO).

Ginawa ang paglilinaw matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na muna magiging mandatory ang bagong motor vehicle inspection system (MVIS) ng LTO habang nahihirapan pa ang mga mamamayan dahil sa umiiral na pandemya.

Imahe mula sa Philkotse

“Meron tayong clarification… Kinakailangan pa rin po na mag-submit ng either iyong emission clearance or MVIS,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Biyernes.

“Dalawa po ‘yang pupuwede ninyong isumite: ‘yong emission na dati na po ‘yan or MVIS. Hindi po pupuwede na wala ang pareho,” paglilinaw pa nito.

Nangako na rin umano ang may-ari ng PMVICs na P600 muna ang kanilang sisingiling bayad habang may pandemya.

Marami kasi ang motoristang nagrereklamo dahil halos natriple ang babayaran sa MVIS mula sa dating P500 na naging P1,500. Bukod pa ito sa humigit-kumulang na P3,000 para sa registration ng sasakyan.

“Alinsunod sa panawagan ng ating Presidente, ang mga may ari ng private motor vehicle inspection centers na nagsabi na kapareho lamang ang sisingilin nila na P600. Kapareho po ‘yan ng mga emission test centers bagamat ang serbisyo na ibibigay nila ay 73 roadworthy inspection check points,” ayon pa sa tagapagsalita ng Malakanyang.

Imahe mula sa Facebook – LTO

Maliban sa utos na ‘wag na muna gawing mandatory ang MVIS, ipinatitigil na rin pansamantala ng Pangulo ang implementasyon ng kontrobersiyal na child car seat law.

Kapwa naging umani ng batikos ang MVIS at child car seat law ng LTO dahil sa timing umano ng pagpapatupad nito lalo pa’t nasa gitna ng krisis ang bansa.

Nagpatawag din ng hearing sa Senado si Senador Grace Poe kamakailan kung saan inirerekomenda ng mga mambabatas na suspendihin muna ang pagpapatupad ng mga ito hangga’t walang malinaw na guidelines.

Loading…