Payo ng LTO sa pamilyang may malalaking anak: ‘Laki-lakihan mo ‘yung sasakyan mo’

Imahe mula sa Auto Industriya
  • Kailangang ‘laki-lakihan’ ang sasakyan ng pamilyang may malalaki at matatangkad na anak
  • Para umano makasunod sa batas, ito ay ayon mismo sa LTO official
  • Nilinaw naman ng LTO na hindi pa sila manghuhuli kung hindi magbibigay pa lamang ng warning

Maaaring mangailangan na rin ng malaki-laking sasakyan ang mga pamilyang may malalaki at matatangkad na anak upang makapag-comply sa batas na ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO).

Simula Pebrero 2, ipatutupad na ng LTO ang Repulic Act 11229 kung saan hindi na puwedeng umupo sa front seat ang mga batang edad 12 pababa at kailangan ay nakaupo rin sila sa restraint seat o child car seat sa likuran.

LTO NCR director Clarence Guinto| Screenshot mula sa Teleradyo video

Tiniyak naman ng LTO na hindi pa naman agad sila manghuhuli bagkus ay nasa information and warning stage pa simula Martes upang lubos na malaman ito ng publiko.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay LTO NCR director Clarence Guinto nitong Lunes nang umaga, tinanong ang opisyal ni host Amy Perez kung ano ang mangyayari kung tatlo ang anak halimbawa at magkakasunod ang edad ng mga ito.

Bagama’t sang-ayon daw naman siya sa batas dahil para ito sa proteksiyon ng mga bata, ayon kay Perez, malabo raw kasing magkasya sa likod ang tatlong child car seat lalo na pag maliit ang sasakyan.

‘Yung sasakyan naman kung tatlo… dapat siguro dalawa lang sa likod. Kung sa harap bawal na bawal ‘yun… ‘yung bata [na] 12 years and under bawal sa harap talaga… with or without car seat bawal din,” paliwanag ni Guinto.

Ayon kasi sa batas, ang maaari lang payagang gumamit ng regular seat belt ay yaong may taas na 4’11” (4.92 feet) pataas.

Imahe mula sa Visor PH

Tanong muli pa rin ni Perez, paano kung ang bata ay 12 anyos subalit sobrang tangkad. Mas delikado raw kasi gumamit pa ito ng booster seat dahil sasabit ang ulo sa bubungan ng sasakyan.

“Tama po ‘yun… siguro Ma’am Amy, laki-lakihan mo ‘yung sasakyan mo… hayaan mo… we will take note of that,” sagot naman ni Guinto.

Samantala, kapag nasa full implementation na ang batas, papatawan ng multang P1,000 hanggang P5,000 ang magulang ng bata at pagsuspendi sa kanilang driver’s license ng isang taon kapag naulit pa ito ng tatlong beses o mahigit pa.

Para naman sa mga manufacturers, distributors, importers, retailers, at maging sellers ng mga substandard child seats, ang parusa ay mula P50,000 hanggang P100,000.

Loading…