‘Pinas handa na sa pagbabalik sa mas maluwag na MGCQ – Duque

Imahe mula sa OneNewsPH
  • Handa na umano ang buong bansa sa pagbabalik sa MGCQ
  • Kakayanin naman daw ng mga ospital kung sakaling muling sumirit ang kaso ng COVID
  • Ito ay bilang tugon sa mungkahi ng NEDA na ibalik na sa MGCQ ang buong Pilipinas

Naniniwala si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na handa na ang buong bansa sa pagluluwag sa quarantine restriction partikular na ang pagbabalik sa modified general community quarantine (MGCQ).

Ito ay sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na pumalo na sa mahigit 560,000 hanggang nitong Linggo, Pebrero 21; 26,000 dito ay nananatiling active cases.

“I think we are ready. I can say that because after one year, we have managed to keep our infection rate manageable. When I say manageable, it is at a level that has not overwhelmed the healthcare system,” ani Duque sa panayam ng CNN Philippines.

Screenshot mula sa PCOO video

Kakayanin naman umano ng mga ospital sa Metro Manila kung sakali mang muling sumirit pataas ang mahahawahan ng COVID kapag bumalik na sa MGCQ ang bansa.

“So far tingin natin, kakayanin, kakayanin. We will never be able to know until that situation actually evolves, whether the system is ready,” ayon sa kalihim.

Ang importante raw ay basta mabilis at maagap ang mga gagawing aksyon ng pamahalaan kapag naharap sa dating sitwasyon. Anumang oras, dagdag pa ni Duque, ay maaari namang magpatupad muli ng mas mahigpit na quarantine restriction tulad ng localized lockdown ang mga lungsod at bayang maapektuhan.

Nakita naman umano na naging epektibo ang mga lokal na pamahalaan upang mapigilan ang paghahawahan ng mga tao tulad na lamang ng nangyari pagkatapos ng Pasko at ang Pista ng Nasareno na hindi naman gaanong sumirit ang bilang ng kaso na taliwas sa inaasahan ng marami.

Imahe mula sa CNN PH

Magugunitang iminungkahi ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagbabalik sa MGCQ ng bansa upang masolusyunan ang suliranin sa gutom at patuloy na pagbagsak ng ekonomiya.

Para kay Duque, kailangang balansehin ng gobyerno ang kalusugan ng mamamayan at ang ekonomiya ng bansa.

Hindi rin pabor ang kalihim na ipagpaliban na muna ang MGCQ hangga’t walang bakuna, na siyang mungkahi ng ilang health experts.

Wika ni Duque, dapat ay sabay-sabay hangga’t maaari.

“Hindi puwede sequential, ‘Ito mauuna ‘yung bakuna, tapos susunod ‘yung bukas ng ekonomiya.’ That’s not the way, it’s too narrow a perspective, I feel. This is my personal opinion. My take on this is really simultaneous, broadfront approach,” paliwanag ni Duque.

Loading…