Pinay seafarer nahulog sa malamig na dagat sa Germany mula sa barko

Screenshot mula sa GMA video
  • Isang Pinay seafarer ang nahulog sa malamig na dagat mula sa barkong pinagtatrabahuhan
  • Nahulog si Jerlyn Isah Quisumbing habang inaayos ang gangway dakong alas-tres ng madaling araw noong February 7
  • Lubos na nag-aalala ang mga magulang ni Jerlyn dahil hindi pa rin nahahanap ang anak hanggang ngayon

Lubos na nag-aalala ang mga magulang ng 24-anyos na Pinay seafarer na isang linggo nang nawawala matapos niyang mahulog sa dagat mula sa barkong pinagtatrabahuhan na naglayag sa Germany.

Screenshot mula sa GMA video

Masungit ang panahon nang maganap ang insidente noong ika-7 ng Pebrero dakong alas-tres ng madaling araw habang papalapit na ang Danish-flagged cargo ship na Santa Clara sa pantalan ng Bremenhaven, isang coastal city sa northern Germany.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng ama ni Jerlyn Isah Quisumbing nahulog daw ang kanyang anak habang inaayos ang gangway ng barko. (Ang gangway ay ang makitid na hagdan na ginagamit kapag aakyat o bababa mula sa barko.)

Wala umanong suot na lifejacket si Jerlyn nang mahulog siya sa napakalamig na North Sea na ang temperatura ay 2 degrees Celsius nang maganap ang pangyayari.

“Sa pagpaliwanag nila, humawak daw ‘yung anak ko doon sa lubid, bigla namang bumagsak ‘yung hagdan, tumilapon ‘yung anak ko sa tubig… Ni-refer agad sa kapitan, pinatigil ‘yung makina tapos naghagis ng mga floating device,” sabi ng ama ni Jerlyn na si Richard Quisumbing.

Screenshot mula sa JRB TV video

Masama ang loob ng mga magulang ni Jerlyn dahil itinigil na ang search and rescue operation noon pang ika-8 ng Pebrero. Buo ang paniniwala nila na ligtas ang kanilang anak. Posible umanong nasa isang pagamutan na ito.

“Maawa naman kayo sa anak ko kung makita n’yo, puwede n’yo akong tawagan doon sa number ko, ipaalam n’yo naman sa akin kung saan man siya naroroon. Ang lakas ng kutob ko buhay ang anak ko,” pahayag ng inang si Rosanna Quisumbing.

Screenshot mula sa Wanted sa Radyo video

Nakipag-ugnayan na sa mga magulang ng Pinay seafarer si Atty. Leo Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration na nangakong tutulungan ang mga ito.

Loading…