Pinoy character, agaw-eksena sa Korean science fiction movie sa Netflix na Space Sweepers

Imahe mula sa Kpopmag
  • Agaw-eksena ang Pinoy karakter sa Korean science fiction movie sa Netflix na Space Sweepers
  • Dalawang Tagalog lines ang maririnig sa pelikula
  • Ang Space Sweepers ay no. 2 ngayon sa Top 10 Netflix movies sa Pilipinas
  • Ang lead star nito ay ang South Korean actor na si Song Joong Ki na sumikat sa Pilipinas dahil sa K-drama na Descendants of the Sun

Patok ngayon sa Pilipinas ang Korean science fiction movie na Space Sweepers na unang inilabas sa Netflix noong February 5, 2021.

Imahe mula sa Netflix

Pamilyar sa mga Pinoy ang lead star ng Space Sweeper, ang South Korean actor na si Song Joong Ki na nakilala dito sa bansa dahil sa Tagalized version ng K-Drama na Descendants of the Sun, na kalaunan ay ginawan ng Philippine version na pinagbidahan ni Dingdong Dantes at Jennylyn Mercado.

Isang futuristic movie ang Space Sweepers na ang setting ay taong 2092 at ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ay nagkakaintindihan sa pamamagitan ng portable translator device.

Nasurpresa ang mga Pinoy na nakapanood nito dahil agaw-eksena ang isang Pinoy character na nagdayalogo ng Tagalog.

Dalawang beses maririnig ang Tagalog sa pelikula.

Ang una ay sa isang eksena sa isang restaurant kung saan naroroon ang apat na main characters na pinangunahan ng pilotong si Tae-Ho (Song Joong Ki), Captain Jang (Kim Tae Ri), Engineer Tiger Park (Jin Seon Kyu), at ang robot na si Bubs (na binosesan ni  Yoo Hae Jin).

Screenshot mula sa Space Sweepers movie

Biglang umentra ang Pinoy character at pagalit na tinanong ang grupo kung oorder ba sila.

“Oorder ba kayo? Kung hindi na naman, umalis na kayo,” linya ng waiter na Pinoy.

Ang ikalawa naman ay sa eksenang nawala sa loob ng isang club ang batang karakter na si Kot-nim/Dorothy. Natagpuan siya sa gitna ng maraming tao na nasa dance floor. Hindi nakita kung sino ang nagsalita, pero malinaw ang salitang Tagalog sa naturang eksena.

Screenshot mula sa Space Sweepers movie

“Sino’ng batang ‘to,” ang linyang Tagalog na maririnig.

Ang Space Sweepers ay kasalukuyang No. 2 sa Top 10 Netflix movies dito sa Pilipinas.

Loading…