‘Pork holiday’ hirit ng consumer group bilang sagot sa pagtaas ng presyo ng karne

Imahe mula sa PNA
  • Inihihirit ng isang consumer group sa publiko ang ‘pork holiday’
  • Ito ay para tutulan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng karneng baboy at manok sa palengke
  • Kamakailan ay naglabas na ng EO ang Palasyo upang itakda ang price ceiling sa mga naturang produkto

Inuudyukan ng isang consumer group ang publiko na huwag na munang bumili ng karneng baboy at manok bilang pagtutol sa patuloy na pagtaas ng mga presyo nito sa mga pamilihan.

Nais ng Laban Konsyumer Inc. na gamitin ng mga mamimili ang kanilang ‘market power’ upang mapigilan ang pagmahal ng mga baboy at manok dahil sila rin naman ang nahihirapan lalo pa’t nasa gitna ng pandemya ang bansa.

Atty. Vic Dimagiba, Laban Konsyumer Inc.| Imahe mula sa Facebook

“‘Yung statement namin over the weekend na pork holiday, hindi pa po namin wini-withdraw ‘yun. Kailangan po tayong mga consumer, exercise natin ‘yung ating market power. Matagal na po tayong na-take advantage ng mahal ng presyo ng baboy,” ani Vic Dimagiba, ang presidente ng grupo, sa panayam ng GMA News.

Kung sakali man daw na talagang nais bumili ng mga karne, piliin iyong mga nagtitinda na sumusunod sa itinakdang price ceiling.

“Tayong mga konsyumer, ang karapatan natin, ‘wag muna tayong bumili ng baboy na ang presyo ay nasa P400 at above. Kung bibili tayo ng baboy ay ‘yung nagko-comply sa price ceiling,” ayon pa kay Dimagiba.

Naglabas kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte ng EO para magtakda ng price ceiling sa mga apektadong produkto sa palengke: P270 kda kilo para sa kasim at pigue;  P300 kada kilo sa liempo; at P160 para sa dressed chicken.

Imahe mula sa PNA

Ang price ceiling ay mananatiling epektibo sa loob ng 60 na araw at ipatutupad ito simula sa ika-8 ng Pebrero.

Hinimok rin ng grupo ang mahigpit na pagmo-monitor sa price ceiling upang matiyak na lahat ng tindahan ay nagko-comply nito.

“Kapag po bumaba na ang presyuhan sa lebel ng price ceiling ay masasabi po natin na na-exercise ng mga konsyumer ‘yung kanilang karapatan. Kung hindi pa kayang bumili, ‘wag na muna siyang bumili,” wika pa ni Dimagiba.

Samantala, nilinaw naman ng Department of Agriculture (DA) na hindi sakop ng EO ang mga supermarkets. Ito ay para daw kasi bigyan pa rin ng option ang mga konsyumer kung saan nila gustong mamili.

Loading…