Praktikal na regalo ng mister sa kaniyang misis para sa Valentine’s kinaaliwan

  • Kinaaliwan at kinakiligan ang praktikal na regalo ng mister sa kaniyang misis para sa Valentine’s Day
  • Isang sako ng bigas at mga gamit para iwas-COVID-19 kasi ang mga ito, kalakip pa ang witty notes
  • Sa panahong ito ng pandemya, kailangan daw maging praktikal 

Karaniwan na ang pagbibigay ng iba’t ibang bagay na sumisimbolo sa pag-ibig, sa tuwing sasapit ang Valentine’s Day. Bukod sa bulaklak, iba-ibang bagay na rin ang inilalagay sa bouquet. Syempre, hindi mawawala ang mga chocolates, cakes, pastries, at stuffed toys.

Subalit kinaaliwan naman ng mga netizens ang praktikal na regalo ng isang nagngangalang “Adrian Dela Cruz” para sa kaniyang misis na si “Sarah ” na ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post. Sa halip kasi na mga bulaklak, chocolate, o stuffed toys ang ibigay niya, mga praktikal na bagay na magagamit sa araw-araw ang regalo niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Adrian Dela Cruz

Una na riyan ang isang sakong bigas na may nakasaad pang liham. Huwag kayong mag-alala dahil may malaking bulaklak na sunflower naman ang disenyo ng sako.

“Mahal kong Sarah, maging praktikal na tayo ngayon (heart sign). Dahil ang presyo ng bulaklak ay presyo na ng isang sakong bigas ngayon. Sana alagaan mo ang katawan mo. Nagmamahal, Adrian,” saad sa liham na nakadikit sa miskong sako ng bigas.

Hindi lamang iyon. Sa isa pang Facebook post, makikita rin ang mga bagay na para sa hygiene at sanitation kontra COVID-19.

“Mahal kong Sarah, Maging praktikal pa rin tayo hanggang ngayon. Lalo na at hindi pa rin tapos ang pandemyang ito. Kaya heto ang iba’t ibang uri ng bagay na puwede mong gamitin pang-iwas sa COVID-19 na ito. PS. May vitamins din akong binili nang makatulong para lumakas ka. Nagmamahal, Adrian.”

Imahe mula sa Facebook account ni Adrian Dela Cruz

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Witty pero sweet at practical! Congratulations sa inyong dalawa!” pahayag ng isa.

Turan naman ng isa, “Hahaha. Sabagay. Sa panahon ngayon, maging praktikal na. Hindi na dapat iniisip kung gaano kalaki o kaliit ang mga handog ng ating loved ones. Happy Valentine’s Day sa ating lahat!”

“Cool! Kung ako makakatanggap niyan, masayang-masaya at satisfied na ako,” wika naman ng isa.

Sa panahon ngayon, hindi naman masamang maging praktikal, ‘di ba?

Loading…