Propesor sa Singapore kinahabagan; nagturo ng dalawang oras habang naka-mute ang mikropono sa online class

  • Ikinalungkot ng mga netizens ang isang balita hinggil sa isang propesor sa Singapore
  • Dalawang oras siyang nagturo habang naka-mute pala ang mic ng kaniyang ginamit na device
  • Nagtataka naman ang mga netizens kung nag-effort ba ang mga mag-aaral na ipaalam na wala silang naririnig mula sa kanilang guro

Kung nahihirapan ang mga mag-aaral sa online class, mas nahihirapan dito ang mga guro, lalo na ang mga hindi naman sanay sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya gaya ng video conferencing app. Subalit hindi sila sumusuko kahit pakiramdam nila ay “back to zero” sila sa karanasan dahil ibang-iba ito sa pisikal na pagdaraos ng klase.

Kaya naman, kinahabagan ng mga netizens ang isang propesor sa Singapore na naiulat na dalawang oras na nagsagawa ng kaniyang lecture-discussion sa kaniyang online class, subalit sa buong panahong iyon, hindi niya namalayang naka-mute pala ang mikropono ng kaniyang device na ginamit. Sayang na sayang ang effort at oras!

Image capture mula sa YouTube channel

Ayon sa YouTube channel ng “Singapore Incidents,” hindi umano napansin ni Sir Dong Wang, propesor sa National University of Singapore (NUS), na na-mute niya pala ang kaniyang mic at tumagal nang dalawang oras bago niya ito nalaman nang magtatanong na siya sa kaniyang mga mag-aaral tungkol sa kaniyang mga tinalakay.

Tila nanlumo naman si Wang nang malamang dalawang oras na siyang naka-mute at wala palang naririnig ang mga mag-aaral sa kaniyang mga sinasabi. Tinangka naman daw ng mga mag-aaral na kunin ang kaniyang atensyon, subalit hindi raw kasi nila naawat ang guro sa pagtatalakay, na tumagal nga ng dalawang oras.

Mayroon ding tumawag sa kanyang selepono ngunit wala ito sa kanyang tabi kaya’t hindi niya narinig. Kaya ang ginawa ng propesor, inulit na lamang niya mula sa simula ang kaniyang pagtatalakay at lagi na niyang katabi ang kanyang phone, ayon sa ibinahaging paglalahad ng isa sa kanyang mga estudyante sa comments section.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Kung hindi pa siya nagtanong, walang magsasabi sa kaniya? Wala man lang nagsabi sa kanya na naka-mute siya? Ibig sabihin walang nakikinig sa kanya. Kaka-frustrate na balita,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Puwede namang sabihin ng mga students na wala silang marinig thru chat box. Sa Zoom o kaya sa Google Meet, may mga ganoong feature naman. O baka naman ayaw lang talaga nilang marinig at gusto lang nilang pagmukhaing katawa-tawa at kaawa-awa ang teacher.”

Image capture mula sa YouTube channel / Public Domain Image

“I feel bad for the teacher. The moment na 2 hours siyang nagturo, ibig sabihin talagang eager siyang gawin ang trabaho niya. Na hindi naman pinahalagahan ng mga mag-aaral niya,” wika naman ng isa.

Panoorin ang ulat ng “Singapore Incidents” hinggil dito via YouTube channel.

Loading…