Rekomendasyon na ipasa lahat ng mga estudyante dahil sa pandemya hindi patas – DepEd

Imahe mula sa DepEd
  • Hindi sang-ayon ang DepEd sa rekomendasyong “no fail policy” o awtomatikong ipapasa ang lahat ng estudyante ngayong may pandemya
  • Magiging mas motivated daw sa pag-aaral ang mga bata kapag alam nila na maayos na minamarkahan ang kanilang ginagawa
  • Iginiit ni DepEd Usec. San Antonio na ang “no fail policy” ay hindi magtuturo sa mga mag-aaral ng responsibilidad

Hindi sumang-ayon ang Department of Education (DepEd) sa rekomendasyong “no fail policy” o awtomatikong ipapasa ang mga mag-aaral dahil sa pandemya. Hindi raw ito patas. Naniniwala ang kagawaran na kailangan pa rin na may marka ang mga estudyante.

Imahe mula sa DepEd

Sinabi ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na maraming mga mag-aaral na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang pumasa sa kabila ng mga hamong dala ng COVID-19 pandemic, habang may mga estudyante rin na hindi sineseryoso ang kanilang pag-aaral.

“Kailangang maunawaan ng mga bata na ang pag-aaral ay kailangan ng effort at sineseryoso kaya ang paniniwala namin ay kailangan ng marka, numerical pa rin ang grading,” ani Usec. San Antonio sa panayam sa kanya ng isang programa sa radyo noong Sabado, ika-20 ng Enero.

Aniya, magiging motivated sa pag-aaral ang mga bata kapag alam ng mga ito na maayos na minamarkahan ang mga ginagawa nila.

“Naniniwala kami na mas magkakaroon ng magandang motibasyon ang bata na mag-aral kung alam niya ang kanyang ginagawa ay minamarkahan nang maayos,” paliwanag niya.

Imahe mula sa DepEd

Nauunawaan naman daw ni Usec. San Antonio na ang rekomendasyon ay naglalayong mabawasan ang stress at anxiety ng mga mag-aaral. Handa naman umanong tulungan ng mga guro ang mga batang nagsusumikap pero nahihirapan sa kanilang pag-aaral.

“Nauunawaan namin na ang gusto ng panukala ay mabawasan ang stress at anxiety ng mga bata. Hindi naman puwedeng lahat ay papasa. ‘Yung talagang nagpapakita ng interes at ginagawa ang lahat pero nahihirapan ay bibigyan ng tulong at atensiyon ng mga guro,” aniya.

Imahe mula sa DepEd

Iginiit ni Usec. San Antonio na ang “no fail policy” ay sadyang hindi magtuturo sa mga mag-aaral ng responsibilidad.

Loading…