Robredo inaming inutang lang ang perang deposito sa SC para sa kaniyang counter-protest

Screenshot mula sa Facebook video ni VP Leni Robredo
  • Inamin ni Robredo na inutang lamang niya ang ipinadeposito sa kaniyang counter-protest
  • Inihayag niya ito bilang sagot sa komento ng isang netizen sa Facebook
  • Ani Robredo, mababawi na niya ang pera at maibabalik ito sa kaniyang pinagkautangan

Inamin ni Vice President Leni Robredo na inutang lang niya ang perang idineposito sa Korte Suprema para sa kaniyang counter-protest laban kay dating Senador Bongbong Marcos.

Sa kaniyang Facebook page, isang netizen ang nagkomento tungkol sa posibleng pagbawi ng Bise Presidente sa naturang deposito dahil hindi na nagkaroon pa ng bilangan para sa kaniyang counter-protest.

Screenshot mula sa Facebook

“Madame VP iyong deposit mo sa counter protest ang alam ko pwede mo na bawiin kasi hindi nagamit dahil hindi magkaroon ng bilangan para sa counter protest mo,” ayon sa netizen.

Sinagot naman ito ng Pangalawang Pangulo na, “Puwede po mabawi, inutang lang po namin yun kaya puwede na namin maibalik.”

Magugunitang ibinasura ng Korte Suprema ang buong electoral protest ni Marcos laban kay Robredo sa desisyong inilabas noong isang araw.

Nagsampa  ng reklamo si Marcos noong 2016 sa Presidential Electoral Tribunal (PET) dahil sa diumano’y pandaraya sa kaniya ng kampo ni Robredo matapos matalo sa huli ng 263,473 na boto lamang.

Noong Abril 12, 2017, inatasan ng Korte Suprema ang kampo nina Marcos at Robredo na magbayad ng kabuuang P81.46-M para sa kanilang magkahiwalay na electoral protest.

Imahe mula sa Facebook

Sa halagang ito, P66.02-M ang gagastusin para muling buksan ang mga poll materials para sa protesta ni Marcos, habang P15.44-M naman ang magagastos para buksan ang mga materials para sa petisyon ni Robredo.

Bagama’t kaagad nakapagbigay ng P36-M si Marcos bilang paunang bayad makaraan ang limang araw, hiniling naman ni Robredo na ipagpaliban muna ang pagbayad niya ng deposito, bagay na hindi sinang-ayunan ng Korte Suprema.

Naghain din ang kampo ni Marcos ng motion para i-dismiss ang petisyon ni Robredo dahil sa kabiguang magbayad ng P8-M bilang service fee ng huli.

Noong Mayo 2, 2017 lamang nakapagbayad ang kampo ni Robredo ng P8-M kung kailan hiniling niya rin sa SC na huwag ibasura ang kaniyang counter-protest.

Loading…