Service crew hindi kinuhang ninang dahil maliit lang daw ang suweldo

  • Ibinahagi ng isang netizen ang naranasang ‘panghahamak’ sa kamay ng isang nanay
  • Kukunin daw kasi siyang ninang dahil buong akala nito ay sa isang opisina sa abroad siya nagtatrabaho at may magandang suweldo
  • Nang malaman nito na isa siyang service crew, biglang nagbago ang isip nito

Noong taong 2020 ay marami nang naibahaging mga kuwento sa social media hinggil sa mga magulang na ginawang “palabigasan” ang ninong at ninang ng kanilang anak, na pinagmulan tuloy ng FO o friendship over sa pagitan nila. Marami rin ang nagbahaging kinukuha silang mga ninong at ninang dahil maganda umano ang mga trabaho nila o malaki ang kinikita.

Subalit iba naman ang kuwento ng isang netizen na nagngangalang “Kath.”

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi niya  ang naging usapan nila ng babaeng kukunin raw sana siyang ninang ngunit nagbago ang isip dahil “service crew lamang” daw ang trabaho ni Kath. Kalakip ng post ang mga screenshots kung saan mababasa ang tila panghahamak sa kaniya nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Katherine Espinosa

“Hindi ako mahilig mag-post ng mga ganito, pero ang funny lang kasi kung paano ka mang-degrade knowing na UMAASA ka lang naman sa maibibigay ng mga future godmother/father ng anak mo,” saad niya sa kaniyang caption.

Batay sa conversation threads nila, tinanong ng naturang nanay na kumukuha sa kaniya upang maging ninang, kung sa opisina ba talaga siya nagtatrabaho o sa restaurant. Tapat namang sinagot ni Kath na nagtatrabaho nga siya bilang service crew.

Buong akala raw ng naturang nanay na sa opisina nagtatrabaho si Kath. Kukunin raw sana siyang ninang, subalit nagbago nga ang kaniyang isip dahil baka nga kulang pa raw kay Kath ang sinusuweldo niya, at baka hindi makapagbigay ng aginaldo sa kaniyang anak.

Sinagot naman siya ni Kath na wala naman daw siyang sinabi o kinumpirma na sa opisina siya nagtatrabaho. Pagkatapos, inakusahan pa siya nito na nagpapakasosyal lamang, at ikinakahiya ang trabaho bilang service crew sa abroad. Akala pa naman daw niya, malaki ang sinasahod nito.

“Huy teh! Bangag ka ba? Wala naman nagsabi sa iyong kunin mo akong ninang eh. Ni hindi nga tayo close eh. Saka, bakit ka ba nagbabantay ng mga post ko? Kukunin mo akong ninang kasi akala mo malaki ang sahod ko? Hahahaha,” saad ni Kath.

Imahe mula sa Facebook account ni Katherine Espinosa

At muli na naman siyang nakatikim ng pangmamaliit mula sa taklesang nanay.

“Oo pero baka kulang pa sa iyo ang sahod mo at hindi ka makapagpakimkim sa anak ko. Hindi kasi ako kumukuha ng ninang na hindi maganda ang work para kapag may need ang anak ko, madali lang sila makakapagbigay,” sabi nito.

Dito lalong nagpanting ang mga tenga ni Kath. Sinabihan niya ang naturang nanay na hindi na sana siya nag-anak kung iaasa lang sa mga ninong at ninang ang mga pangangailangan nito; ginawa raw kasing business. Ang ending, ang nanay pa ang nagalit at sinabihan siyang ia-unfollow siya.

“Ayaw rin kitang maging kumare kasi wala kang pera,” ang nasabi na lamang sa caption ng kaniyang post sa labis na gigil niya.

Pubic Domain Image

Ikaw, ano ang masasabi mo sa nangyaring ito? Nakakagigil ba?

Loading…