Skyway Stage 3 binuksan na ang dalawa pang karagdagang rampa

Imahe mula kay DPWH Sec. Mark Villar
  • Dalawa pang rampa ang binuksan sa Skyway Stage 3
  • Ito ay ang A. Bonifacio exit (northbound) at E. Rodriguez exit (southbound)
  • Inaasahang magbubukas na rin sa mga darating na linggo ang ilan pang nalalabing rampa

Binuksan na ng San Miguel Corporation (SMC) sa publiko ang dalawang karagdagang rampa na mas lalong magpapaalwan ng biyahe sa mga motoristang gumagamit ng 18-kilometer elevated expressway.

Nitong Huwebes, inanunsiyo ni SMC president at COO Ramon S. Ang ang pagbubukas ng A. Bonifacio northbound off-ramp bago dumating ng Cloverleaf Mall sa Balintawak, at ng E. Rodriguez southbound off-ramp sa Araneta Avenue na maaaring labasan ng mga dadaan ng España sa Maynila.

“Our Skyway 3 engineers and construction personnel worked double time to be able to open these two new ramps, better serve motorists, and provide them seamless and convenient travel,” ani Ang sa isang pahayag.

Dahil dito, mas mapabibilis na umano ang biyahe ng mga nanggagaling sa South patungong Balintawak, at ng mga nais pumunta ng Quezon City mula sa Norte.

“With the opening of these ramps, those who are coming from Alabang, Paranaque, Las Pinas, Pasay, or Makati will no longer have to take EDSA and get stuck in several traffic chokepoints in order to get to Balintawak. Meanwhile, those coming from NLEX headed to Quezon City, on the other hand, can opt to take Skyway 3 to get to E. Rodriguez Ave,” bahagi pa ng SMC chief.

Imahe mula kay DPWH Sec. Mark Villar

Tuloy-tuloy pa rin umano ang trabaho ng mga contractors ng Skyway 3 para mabuksan ang ilang nalalabi pang rampa bagama’t inamin ni Ang na naaantala ang kanilang trabaho dahil sa problema sa right-of-way.

Sa kabila nito, inaasahan nilang makukumpleto na ang ilang access points tulad ng Quirino Entry, Nagtahan Entry, Nagtahan Exit, E. Rodriguez Entry, at C3 Exit para sa northbound; at C3 Entry, C3 Exit, A. Bonifacio Entry, Plaza Dilao Exit, at Nagtahan Exit para naman sa southbound.

Sa kasalukuyan, nasa 12 na ang exit at entry points na nagagamit ng mga motoristan ngayon. Ito ay kinabibilangan ng Buendia (Zobel) Entry, Quezon Ave. Entry, Quirino Ave. Exit, Quezon Ave. Exit, A. Bonifacio Exit, at Balintawak Exit para sa northbound; at Balintawak Entry, Quezon Ave. Entry, Plaza Dilao Entry,  Quezon Ave. Exit, E. Rodriguez Exit, at Buendia (Zobel) Exit para sa southbound.

Samantala, libre pa rin ang biyahe sa Skyway Stage 3 dahil hindi pa naaaprubahan ng Toll Regulatory Board ang toll matrix na isinumite ng SMC.

Loading…