Skyway Stage 3 libre pa rin hangga’t walang approval ang toll matrix – TRB

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Hindi pa maaaring maningil ng toll fee ang Skyway Stage 3, ayon sa TRB
  • Hindi pa umano nila naaprubahan ang isinumiteng toll matrix ng SMC para dito
  • Kinumpirma naman ng TRB na malaki ang nabawas sa trapik sa EDSA simula nang magbukas ang Skyway 3

Nilinaw ng Toll Regulatory Board (TRB) na mananatiling libre para sa mga motorista ang Skyway Stage 3 hangga’t hindi nila naaprubahan ang isinumiteng toll matrix ng San Miguel Corporation (SMC).

Kung matatandaan, planong ipatupad ng SMC ang toll matrix nitong ika-1 ng Pebrero, isang buwan matapos itong magbukas sa publiko noong Disyembre 29.

Imahe mula kay Ramon S. Ang

Subalit hindi pa rin umano nakakuha ng approval mula sa TRB ang toll matrix para sa 18-kilometrong elevated expressway kung saan maaari nang bumiyahe mula Buendia hanggang Balintawak sa loob lamang ng mahigit-kumulang 30 minuto.

“Hangga’t hindi pa nagi-isyu ng formal approval ang pamunuan natin dito ay hindi ho sila puwede maningil pa,” paliwanag ni TRB spokesperson Julius Corpus sa ginanap na forum nitong Linggo.

Nakasaad sa isinumiteng toll matrix ng Skyway Stage 3 na sisingilin ang mga motoristang magdaraan dito nang P110 para sa pinamaikling ruta hanggang P274 para sa naman sa end-to-end exit.

“Sinusuri po natin mabuti ang lahat ng mga kunsiderasyon upang pag ka nagbigay ang ating approval ang ating pamunuan kung magkano ang toll fee ang kokolektahin, ay eto sana maging katanggap-tanggap at resonable sa ating motorista,” ayon pa kay Corpus.

Screenshot mula sa SMC video

Kinumpirma rin ito ni SMC President at COO Ramon S. Ang. Ani Ang, “We are just waiting for the TRB”.

Itinutuing na isang malaking tulong ang Skyway Stage 3 para maibsan ang trapik sa EDSA na karaniwang dinaraanan ng mga motoristang bumibiyahe mula North patungong South at vice versa.

Ayon sa TRB, naobserbahan nilang halos nabawasan ng kalahati ang volume ng sasakyan sa EDSA simula nang  magbukas ang Skyway 3.

Loading…