SMC boss Ramon Ang inamin na 3 beses tinamaan ng COVID noong 2020

Screenshot mula sa Facebook video-BIR
  • Inamin ni SMC president at COO Ramon Ang na dumaan din siya sa mga pagsubok noong 2020
  • Kabilang na rito umano ang pagyao ng kaniyang anak na lalaki
  • Inamin din ni Ang na tatlong beses siyang tinamaan ng COVID-19

Inamin ng bilyonaryong negosyante at San Miguel Corporation (SMC) president at chief operations officer na si Ramon S. Ang – o kilala rin sa corporate world bilang RSA – na tulad ng maraming Pilipino, dumaan din siya sa ilang pagsubok noon nagdaang taon.

Kabilang na rito ang pagpanaw ng kaniyang anak na lalaki at maging ang dapuan ng coronavirus noong 2020.

Imahe mula sa Facebook-BIR

Sa ginanap na online forum ng  Bureau of Internal Revenue na National Tax Campaign Kick-off, kung saan isa si Ang sa mga resource speaker, ibinahagi ng SMC boss ang ilang hamon na kaniyang pinagdaanan sa negosyo at maging sa personal na buhay.

Marami umano siyang natutunan sa mga naging kaganapan ng nagdaang taon sa kabila ng pag-aakala ng karamihan na hindi masyadong naapektuhan ng pandemya ang kaniyang mga negosyo.

“Sa San Miguel po, ang concentration natin, ang natutunan natin ay maging humble. For the first time in my life, I’ve experienced na ‘yung mga masasakit na pangyayari, na nangyari noong 2020,” bahagi ni RSA.

“Namatayan po ako ng anak. Tatlong beses ako tinamaan ng COVID-19,” patuloy ng SMC chief.

Screenshot mula sa Facebook video-BIR

Sa kabila umano nito, tuloy-tuloy pa rin umano ang trabaho nila sa San Miguel na may layong makapag-produce pa ng maraming pagkain para sa mga Pilipino.

Marami din umano silang natulungang mga mahihirap upang hindi magutom at nakapagpatayo rin ng mga RT-PCR testing laboratory hindi lamang para sa kanilang empleyado kung hindi para sa iba pang nangangailangan.

May mga problemang kinaharap din umano ang kaniyang mga negosyo subalit dahil sa maayos na pagpapatakbo nito ay wala namang gaanong mga naging suliranin.

Tiniyak din ni Ang na makaaasa ang BIR na tutulong ang SMC sa pagbabayad ng tama at maayos na buwis, at magtatayo pa ng maraming negosyo at istruktura upang makagawa ng trabaho.

Loading…