
- 94% ang accuracy ng mga trained sniffer dogs na ma-detect ang mga taong may COVID-19 infection
- Isang linggo lang sinanay ang mga aso at nagawa nitong makilala sa pamamagitan ng pang-amoy ang saliva samples na positibo sa COVID-19
- Sinabi ng mga researchers na ang susunod nilang hakbang ay turuan ang mga aso na makilala ang COVID-19 samples sa hanay ng iba pang uri ng karamdaman
Kaya ng mga aso na makilala ang mga taong infected ng COVID-19 sa pamamagitan lang ng pang-amoy, ayon sa pag-aaral na ginawa ng isang German veterinary university.

Ayon sa pilot project na pinangunahan ng University of Veterinary Medicine sa Hanover, walong aso mula sa armed forces ng Germany ang sinanay sa loob lang ng isang linggo at nagawa ng mga ito na makilala ang amoy ng SAR-CoV-2 o ang novel coronavirus na sanhi ng COVID-19.
Ayon sa mga researchers, 94% ang success rate ng mga trained sniffer dogs matapos ipaamoy sa mga ito ang mahigit isanlibong saliva samples mula sa mga taong may COVID-19 infection at mga taong walang karamdaman.
Sa ginawang pag-aaral, hindi alam ng dog handler at ng researchers on site kung alin sa mga saliva samples ang positive sa COVID-19.
“We did a study where we had dogs sniffing samples from COVID-positive patients and we can say that they have a 94% probability in our study … that they can sniff them out,” sabi ni Holger Volk mula sa nabanggit na unibersidad.

“So dogs can really sniff out people with infections and without infections, as well as asymptomatic and symptomatic COVID patients,” dagdag pa niya.
Paliwanag ng isang professor sa unibersidad na si Maren von Koeckritz-Blickwede ang metabolic process sa katawan ng taong may karamdaman ay lubusang nagbabago at ang pagbabagong ito ay kayang ma-detect ng mga trained sniffer dogs.

“We think that this works because the metabolic processes in the body of a diseased patient are completely changed. We think that the dogs are able to detect a specific smell,” aniya.
Ayon kay Prof. von Koeckritz-Blickwede, ang susunod na hakbang na gagawin nila ay sanayin ang mga sniffer dogs na makilala nito ang COVID-19 samples sa hanay ng ibang karamdaman tulad ng influenza.