Taga-Cebu na may UK variant natunton sa Commonwealth; QC magsasagawa ng contact tracing

Imahe mula sa WebMD
  • Natunton na ang residente ng Liloan, Cebu na may UK COVID variant
  • Naninirahan ito sa isang apartment sa Brgy. Commonwealth, Quezon City
  • Magsasagawa ng contact tracing ang pamahalaang lungsod sa naturang barangay

Magsasagawa ngayon ng contact tracing ang pamahalaang-lungsod ng Quezon City matapos matunton doon ang lalaking residente ng Liloan, Cebu na nagpositibo sa UK COVID variant.

Base sa pahayag na inilabas ng QC government, napag-alaman na nanirahan sa isang apartment sa Riverside, Brgy Commonwealth ang 35 anyos na returning overseas Filipino (ROF) simula pa noong nakaraang buwan kasama ang isa pa.

Nitong Miyerkules, Pebrero 10 lamang nalaman ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) mula sa Department of Health (DOH) na nagpositibo sa UK variant ang lalaki.

Imahe mula sa PNA

“We want to make sure that nobody was infected with Covid-19, especially by the much more contagious B.1.1.7 variant. We are acting very quickly to isolate the two, and to conduct extensive contact tracing and testing in the area. It is unfortunate that we learned about this only now,” ani Mayor Joy Belmonte.

Noong Pebrero 5, inilabas ng DOH na ang lalaki mula sa bayan ng Liloan ang ikawalong kaso ng B117 variant sa bansa.

Siya ay isang dating OFW mula South Korea na bumalik sa bansa noong Agosto 2020 at umuwi sa kanilang probinsiya. Nobyembre 17, 2020 naman nang pumunta siya sa Maynila at pansamantalang tumuloy sa Sucat, Parañaque.

Enero 14 nitong taon ay huling bumisita siya sa manning agency sa Malate at muling nakakuha ng trabaho sa ibang bansa. Makaraan ang tatlong araw, tumuloy siya sa isang hotel sa Manila sakay ng isang taxi. Nang araw ding iyon, Enero 17, ay nagpa-swab test ang lalaki.

Kinabukasan ay nalaman niyang positibo siya sa COVID at ipinadala ang kaniyang sample para sa genome testing. Subalit nanatili pa rin siya sa nasabing hotel hanggang Enero 21 hanggang sa siya ay ilipat ng manning agency sa Riverside.

Imahe mula sa PIA

Nitong Pebrero 5 ay nalamang nagpositibo siya sa UK variant kaya muli silang nagpa-swab test ng kaniyang kasama sa apartment.

Sa kasalukuyan, patuloy na umanong mino-monitor ng CESU ang kalagayan ng dalawa at nailipat na sila sa isang isolation facility nitong Huwebes.

Samantala, pinag-iisipan naman ng QC government kung papanagutin nila ang manning agency dahil sa kapabayan umano nito at hindi pagsunod sa health protocol.

“This agency placed an entire community at risk by bringing a Covid-19 positive patient to our city, considering that both their agency and the quarantine hotel are in Manila,” ayon kay Mayor Belmonte.

Loading…