Task group, umapela sa publiko na lumahok sa clinical trials ng Johnson&Johnson COVID-19 vaccine

Imahe mula sa J&J
  • Nakiusap sa publiko ang Task Group on Vaccine Evaluation and Selection na lumahok sila sa COVID-19 vaccine clinical trials
  • Ang Janssen Pharmaceuticals ng Johnson&Johnson ay nagsasagawa ng Phase 3 clinial trials nito sa Metro Manila, Calabarzon at Western Visayas
  • Ang World Health Organization at ang vaccine developers ang sasagot sa medical costs ng mga lalahok na makararanas ng side effects mula sa bakuna

Umapela ang Task Group on Vaccine Evaluation and Selection sa publiko na lumahok sa isinasagawang COVID-19 vaccine clinical trials upang matulungan ang pamahalaan na makapili ng mga ligtas at epektibong bakuna.

Screenshot mula sa PTV video

Ginawa ni Rowena Cristina Guevarra, chairman ng task group at Undersecretary ng Department of Science and Technology, ang apela sa Laging Handa press briefing noong Sabado, February 20.

“Amin pong ine-encourage ang ating mga kababayan, ‘pag ang barangay n’yo po napili sa isang mga site ng mga clinical trial, sana po ay sumali po tayo dito sa ating clinical trials kasi kailangan nating makahanap ng mga bakuna at epektibo, safe at efficacious po,” pakiusap niya sa mga mamamayan.

Sinabi ni Usec. Guevarra na nagsimula na ang Phase 3 ng clinical trials ang Janssen Pharmaceuticals na pag-aari ng American company na Johnson&Johnson dito sa bansa. Kabilang sa mga trial sites nito ang Metro Manila, Calabarzon at Western Visayas.

Sinabi niya na ang World Health Organization at ang vaccine developers ang sasagot sa medical costs ng mga lalahok na makararanas ng side effects mula sa bakuna.

Imahe mula sa Johnson&Johnson

“Dito sa independent clinical trial, ang sasagot ay vaccine developers. Sa WHO Solidarity Vaccine Trials, sagot po ng WHO, meron po silang global insurance na bibilhin para dun sa mga volunteers at pati din po sa trial list natin,” paliwanag ng opisyal.

Sakali mang may adverse reactions sa vaccine ang mga kalahok, kailangan itong i-report ng vaccine developers sa Food and Drug Administration (FDA) na magsasagawa ng imbestigasyon at pag-aanalisa sa tunay na dahilan ng side effects.

Imahe mula sa Light Rocket

“Dito sa Philippines kung may mangyaring ganyan, kung maho-hospitalize ang ating volunteer, sagot ‘yan ng kumpanya na magko-conduct ng clinical trials,” sabi pa ni Usec. Guevarra.

Ang Janssen COVID-19 vaccine clinical trial dito sa bansa ay naaprubahan ng FDA noon pang nakaraang taon. Single dose lang ang vaccine ng kumpanya at maaari itong iimbak sa pangkaraniwang refrigerator.

Loading…