TF Build Back Better inumpisahan na ang dredging ng Marikina River

Imahe mula sa DENR-Facebook
  • Sinimulan na ng DENR ang dredging activities sa Marikina River
  • Layong paluwagin at palawakin ang ilog upang maiwasan ang pagbaha
  • Simula pa lamang umano ito ng mas malalaki pang gagawin nila sa mga darating na buwan

Inumpisahan na ng task force na nilikha ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapaluwag at pagpapalalim sa Marikina River na siyang karaniwang sanhi ng malawakang pagbaha sa lungsod nitong mga nagdaang taon.

Nitong Miyerkules, Pebrero 17, sinimulan na ng Task Force Build Back Better ang dredging activities sa ilog, ilang buwan matapos ang pamiminsala ng baha sa Marikina City at karatig-lugar dahil sa pagtaas ng tubig bunsod ng sunod-sunod na bagyo.

Imahe mula sa DENR-Facebook

Ayon sa naunang pahayag na inilabas ng DENR, uumpisahan ang dredging sa kahabaan ng Marcos Highway sa Barangay Kalumpang habang magkakaroon naman ng bamboo planting activity sa tabi ng ilog sa may Barangay Industrial Valley Complex.

“The widening of the Marikina River to its original width is but the start of the series of activities the Task Force has identified to address the perennial problem of flooding within the Marikina River Basin,” ayon kay Environment Sec. Roy Cimatu, na siya ring chairperson ng TF BBB.

Napag-alaman kamakailan ng DENR na may mga bahagi ng Marikina River na ilegal na na-reclaim na siyang nagpaliit sa ilog at naging dahilan para umapaw ang tubig tuwing malakas ang ulan.

May mga ilang istruktura din umano ang naitayo sa easement ng ilog na itinuturing na paglabag sa Presidential Decree 1067 o Philippine Water Code.

Pagbaha sa Marikina, Nobyembre 2020| Imahe mula sa PCOO

“Using official land records dating back as far as 1914 and 1961, historical maps, and satellite photos from the National Mapping and Resource Information Authority as basis, the Department of Environment and Natural Resources (DENR)-National Capital Region conducted aerial and ground verification surveys that confirm encroachments made not only in the river itself but in the designated legal easements as well,” bahagi ng kalihim.

Naniniwala si Cimatu na ang pagtanim ng mga kawayan sa kahabaan ng riverbank ay pipigil sa pagguho ng lupa at siltation, na siya ring ginawa sa Cagayan River.

Kailangan umanong magpakita ng political will ang gobyerno upang magpatuloy  ang rehabilitasyon ng Marikina River at ang kanilang ginawa ngayon ay simula pa lamang ng mas malalaking gawain sa mga darating na buwan.

Loading…