TikToker nagsisisi matapos gumamit ng madikit na glue sa pag-ayos ng buhok dahil naubusan ng hair spray

Screenshot mula sa TikTok video ni Tessica Brown
  • Problemado ang isang TikToker sa buhok niya na ginamitan ng madikit na glue
  • Inaayos niya ang buhok niya subalit naubusan siya ng hair spray kaya gumamit siya ng Gorilla Glue, isang industrial-strength spray adhesive
  • Isang plastic surgeon ang nag-alok ng tulong sa TikToker para alisin ang buhok na dumikit na sa anit dahil sa madikit na spray adhesive

Maayos na maayos ang buhok ni Tessica Brown kung pagmamasdan sa kanyang TikTok video. Lahat ng hibla ng mga ito sa kanyang ulo ay nasa tamang lugar at nagtatatapos iyon sa mahabang pony tail na itinirintas.

Screenshot mula sa TikTok video ni Tessica Brown

Pero isang buwan na raw ganoon ang ayos ng buhok niya. Gustuhin man niyang baguhin ang hairdo ay hindi niya magawa dahil hindi na niya iyon magalaw. Nakadikit na kasi ang mga buhok niya sa anit.

Ipinaliwanag niya sa isang TikTok video, na ngayon ay may 24 million views na, kung paaano iyon nangyari.

Inaayos raw niya ang buhok gamit ang hair spray na Got2b Glued Spray, pero naubusan siya nito kaya ibang glue ang ginamit niya – ang Gorilla Glue na isang industrial-strength spray adhesive na ginagamit na pandikit sa mga plastic, papel, kahoy at iba pang materyales.

Nagawa naman niya ang gustong gawin sa buhok gamit ang spray adhesive, pero, iyon nga, hindi na matanggal dahil nanikit na ang buhok sa anit niya.

Screenshot mula sa TikTok video ni Tessica Brown

Marami na siyang ginawa para subukang tanggalin ang glue. Naligo na raw siya ng labinlimang beses, nilagyan ng shampoo, coconut oil, acetone, ngunit hindi pa rin natinag ang glue. Nagpunta na rin siya sa isang klinika para ipaalis ang glue sa buhok, subalit bigo pa rin siya.

Screenshot mula sa TikTok video ni Tessica Brown

Ang kumpanya na gumagawa ng Gorilla Glue ay naglabas na rin ng pahayag tungkol sa nangyari kay Tessica Brown. Ipinaliwang nito na hindi puwede sa “skin” ang spray adhesive. Ang anit ay ang skin sa ating ulo.

Gumawa si Tessica Brown ng GoFundMe campaign para makakalap ng $1,500 para sa kakailanganing medical treatment sa anit niya. Sa loob lang ng dalawang araw ay nakalikom na siya ng $17, 413.

Screenshot ng statement ng Gorilla Glue

Isang plastic surgeon naman ang nag-alok sa kanya ng tulong nang walang bayad. Ayon kay Dr. Michael Obeng, dalawa hanggang tatlong araw aabutin ang procedure na gagawin. Ang procedure ay karaniwan umanong nagkakahalaga ng mahigit $12,000.

Source :

TikTok, ABS-CBN

Loading…