“Tisoy” na kalabaw sa Pangasinan kinaaliwan

  • Kinaaliwan ng mga residente sa isang barangay sa Pangasinan ang isang batang kalabaw
  • Tinawag itong “albino carabao” dahil puting-puti ang kulay ng balat nito, kahit na itim ang balat ng nanay nito
  • Itinuturing itong “suwerte” ng mga residente

Ikinatuwa ng mga residente ang isang puting kalabaw na isinilang ng itim na kalabaw sa isang barangay sa Pozorrubio, Pangasinan, na maituturing umanong “suwerte.”

Batay sa ulat ng GMA Regional TV na “Balitang Amianan,” ang nasabing kalabaw ay may “albino” na alaga ng magsasakang si Renato Paharillo, 53 taong gulang, mula sa Barangay Sugcong.

Image capture via YouTube channel

Bukod sa puti nitong balahibo, mapapansin din ang mamula-mulang balat at kakaibang mata ng batang kalabaw.

Ayon sa barangay chairman ng Sugcong na si Girly Ezperanzate, “Kapag may mga ganiyang pagkakataon, suwerte ang kasabihan ng mga matatanda dati. Kaya sana maging suwerte na rin saka ‘yung may-ari tsaka ‘yung nagpaalaga, ‘yung barangay namin.”

Maayos naman ang albino carabao at walang natagpuang komplikasyon sa kalusugan nito.

Ayon naman kay Richie Madayag, agricultural technician ng Pozorrubio Municipal Agricultural Office, bihira lamang daw mangyari ang mga ganito.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

“Oh baka issue na naman ‘yan. Baka nabastusan na naman sila kasi nga pambansang hayop ang kalabaw tapos ang puti-puti. I’m not Tisoy, I’m Pinoy! Hahaha,” sabi ng isa na tumutukoy sa nag-viral na “Panalo” song.

Turan naman ng isa, “Baka iba ang tatay niyan hahaha.”

“Buti pa ‘yung kalabaw, kinagigiliwan, pero kapag tao ang nanganak na sobrang puti ng bata, sasabihin anak ng engkanto o ano pang tawag,” wika naman ng isa.

Image capture via YouTube channel

Noong 2020, isang kakaibang kalabaw naman sa Barangay Kalaisan sa Kidapawan City ang pinag-usapan dahil sa kulay-orange o kahel ang balat nito.

Ayon sa may-ari nito, noong isinilang ang naturang kalabaw ay kulay-puti naman ito, subalit habang tumatanda ito, nagbago rin ang kulay nito.

Kakaiba man ang kulay ng naturang kalabaw, kapaki-pakinabang naman ito sa bukid bilang katuwang ng may-ari nitong magsasaka.

Basahin:  Kulay-orange na kalabaw makikita sa Kidapawan City

Samantala, panoorin ang kabuoang ulat hinggil sa albino carabo ng Pangasinan via YouTube channel:

Loading…