Travel requirements ng mga turista nais paluwagin ng DOT, DILG

Imahe mula sa DOT-Facebook
  • Nais luwagan ng DOT at DILG ang requirements sa pagbibiyahe ng mga turista
  • Dapat daw ay gawin na itong standard para sa lahat
  • Nalilito raw kasi ang mga turista dahil sa iba-ibang requirements na hinihingi ng mga LGUs

Kapwa sang-ayon ang Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG) na luwagan na ang requirements para makabiyahe ang mga turista sa iba’t -ibang panig ng bansa.

Kasunod ito ng hinaing ng ilang turista na nalilito sila sa iba-iba at pabago-bagong requirements ng mga local government units (LGUs); dahilan para sila magdalawang-isip na bumiyahe.

Sec. Puyat| Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Para kay Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, dapat ay i-standardize na ang mga requirement sa pagbibiyahe upang hindi ito magdulot ng kalituhan.

“A lot of people want to travel pero nako-confuse sila kung ano-ano ba requirements. At kahit na gusto nila from one province to another, ayaw na nila kasi pabago-bago ang mga LGU requirement,” bahagi ni Puyat sa panayam ng ABS-CBN News.

“Naiintindihan natin ang mga LGU kasi kung magka-outbreak, sila ang magha-handle pero one year na since the start, siguro naman puwede na i-standardize at this point,” ayon pa sa Tourism official.

Sang-ayon naman dito si DILG Undersecretary Jonathan Malaya. Aniya, nasa punto na tayo na lubhang napakalaki na ng epekto ng pandemya sa industriya ng turismo.

Imahe mula sa DOT-Facebook

“We’re not saying we should do away with all travel restrictions. I’m saying, let’s require something common for all travelers. Will it be an RT-PCR test, or an antigen test? We are now at our stage where our economy is significantly being hurt by the pandemic,” paliwanag ni Malaya.

Iba-iba kasi ang hinihingi ng mga LGUs para makapasok ang turista sa kanilang lugar. Mayroong nanghihingi ng RT-PCR test habang ang iba naman ay resulta lamang COVID-19 antigen test.

Mayroon ding humihingi pa ng medical certificate kahit na may RT-PCR test result na. Mayroon ding tumatanggap ng mga menor de edad na guests at ang ilan naman ay kailangang sumailalim pa sa quarantine.

Inamin naman ni Puyat na mayroong mga LGUs na takot pa ring magbukas ngayon, habang ang iba naman ay nais nang buksan ang turismo subalit hindi nila pinayagan hangga’t walang maayos na health protocol at guidelines.

Loading…