UK variant na taga-Cebu negatibo na sa COVID; manning agency kakasuhan ng QC

Imahe mula sa PNA
  • Nagnegatibo na sa COVID ang taga-Cebu na UK variant
  • Kakasuhan naman ng QC ang manning agency ng lalaki
  • Nasa 350 katao ngayon ang isinasailalim sa contact tracing

Negatibo na sa COVID-19 ang pasyenteng taga-Liloan, Cebu na natunton sa Brgy. Commonwealth, Quezon City at napaulat na may UK variant.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, nilipat na nila kaagad sa isang Hope isolation facility ang 35 anyos na dating OFW kung saan ito muling sumailalim sa swab test at nagnegatibo ang resulta kapwa sa normal na COVID at sa UK variant.

Imahe mula sa PIA

Noong Pebrero 10 pa umano nagnegatibo ang naturang lalaki at hinihintay na lang mawala ng kaniyang sintomas upang makauwi na.

Pati ang kaniyang roommate sa apartment sa Riverside ay na-swab test na rin, ayon pa sa alkalde.

BASAHIN: Taga-Cebu na may UK variant natunton sa Commonwealth; QC magsasagawa ng contact tracing

Samantala, sasampahan ng kaso ng pamahalaang lungsod ng QC ang manning agency kung saan nakakuha sana ng trabaho sa ibang bansa ang lalaki dahil umano sa paglabag sa health protocol.

Ang nasabing agency raw kasi sa Ermita, Manila ang kumuha ng sasakyan sa pamamagitan ng isang riding app para maihatid ang lalaki mula sa hotel patungo sa apartment sa Commonwealth subalit walang abiso sa kanila.

Imahe mula sa PNA

“Through the manning agency via a Grab vehicle, dinala sa ating lungsod na hindi ni-notify ang CESU (City Epidemiology and Surveillance Unit) sa lungsod,” bahagi ni Belmonte. “Hindi rin ni-notify ang barangay. We were not aware that this person was there. That is a breach of protocol.”

“In light of various breaches of protocols, there are several, the city government decided to file charges against the manning agency. While they are not registered in Quezon City, the violation occurred in Quezon City and this is in accordance with RA 11332 Section D wherein it is punishable by law when a notifiable disease has been kept in secret or not been told to the proper authorities,” wika pa ng alkalde.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 350 indibiwal ang isinasailalim sa contact tracing ng QC government. Sila ay ang mga pinaniniwalaang nakasalamuha ng pasyente mula nang una itong magpositibo sa COVID, pumunta sa manning agency, sumakay ng taxi, tumira sa hotel sa Maynila at nanirahan sa apartment sa Riverside.

Loading…