‘Wastage’ ng COVID vaccine dapat nasa 5 porsiyento lang –  DOH

COVID storage facility ng Unilab, Biñan City| Imahe mula sa PNA
  • Kailangang paghandaan ng mga LGUs ang posibleng ‘pagkapanis’ ng mga bakuna
  • Nasa 5 porsiyento lang daw kasi ang katanggap-tanggap na ‘wastage’ dahil marami ang nangangailangan nito
  • Dapat ay mayroong alternative list at handa palagi ang storage facilities sa posibleng brown out

Inaasahan mang mayroong masasayang sa mga bakuna kapag nagsimula na ang vaccination program ng pamahalaan, target ng Department of Health (DOH) na ibaba ito sa hanggang 5 porsiyento lamang.

Katanggap-tanggap na raw ito para sa kanila bagama’t kung maaari ay talagang mapakinabangan lahat dahil marami ang nangangailangan ngayon ng COVID vaccine sa buong mundo.

COVID vaccine storage facility ng Zuellig Pharma, Parañaque City| Imahe mula sa PNA

“Meron po tayong tinatala na ang acceptable po ay mga 5 percent. Ini-estimate na ho namin ‘yan kapag kumukuha tayo ng numero o estimated number na kailangan natin na bakuna,” ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa ginanap na press briefing nitong Miyerkules.

“Pero kailangan nga, katulad ng sinabi ko, we have to keep it as minimum as possible because every dose will count because of these COVID-19 vaccines, which is needed badly by all of us Filipinos,” ayon pa sa opisyal.

Maraming tinitingnang dahilan ang DOH para magkaroon ng wastage sa bakuna. Kabilang na dito ang ‘hindi pagsipot sa appointment, biglaang pag-back out, o kaya ay hindi na maaaring maturukan dahil sa nadiskubreng kumplikasyon sa kalusugan.

Sa mga pagkakatong ito, kailangan umanong makahanap kaagad ng ‘immediate recipient’ ng bakuna upang hindi ito mapanis.

COVID storage facility ng Unilab, Biñan City| Imahe mula sa PNA

Kaya dapat daw handa palagi ang cold storage facilities ng mga LGUs at laging mayroong alternative list ng mga tatanggap ng COVID vaccine. Kapag tinanggal raw kasi sa warehouse ang bakuna ay hindi na ito maaari pang ibalik.

“Dapat mayroong on call. Maybe good 10 percent should be okay na mayroong fallback list, substitute list,” wika ni Health Secretary sa isang panayam.

Maliban sa isyu ng wastage, isa pa sa dapat paghandaan ng mga LGUs ay ang tuloy-tuloy na supply ng kuryente sa mga storage facilities kahit pa magkaroon ng power interruption.

Dapat daw ay brown out-proof ang mga pasilidad at vaccination sites kaya kailangang nakahanda palagi ang mga generator sets.

Loading…