Young artist itinitinda ang mga obra para pambayad sa ospital

  • Isang young artist ang gumuguhit hindi lamang para sa kaniyang pangarap, kundi maging para sa kaniyang pamilya
  • Nais niya kasing makatulong para sa pagbabayad ng mga bayarin; nabaon kasi sila sa utang nang maospital ang kanilang ina
  • Nagtutulong-tulong sila upang muli silang makabangon

Gagawin ng isang young artist ang lahat para lamang matupad ang kaniyang mga pangarap at mabayaran din ang mga pagkakautang sa ospital dulot ng pagkakaroon ng karamdaman ng kaniyang sumakabilang-buhay na ina nang hindi na ito nakayanan.

Itatampok sa GMA News and Public Affairs program na “Front Row” ang kuwento ng young artist na si Frederick Del Mundo, 20 taong gulang na young artist, na itinitinda ang kaniyang mga artwork upang makabalik sa pag-aaral at upang makapag-ambag din sa mga bayaring utang ng kanyang pamilya nang ma-confine at pumanaw sa sakit na pneumonia at tuberculosis ang kanilang ina.

Imahe mula sa Facebook account ni Frederick Del Mundo

Salaysay niya, dahil sa pandemya ay nawalan ng trabaho ang kanyang mga kapatid. Hindi sila nagpagupo rito; sa halip, gumawa sila ng paraan upang magkaroon ng mga sideline at mga negosyo para mabayaran ang utang sa ospital.

Umabot daw sa mahigit kalahating milyong piso ang kanilang bayaring utang, subalit dahil sa kanilang pagtutulungan at pagsusumikap, nabayaran nila ang halos kalahati nito, at ngayo’y nasa 260,000 piso na lamang.

Nakatulong din ang ginawa ng bunsong kapatid ni Frederick upang mas makilala pa ang kaniyang mga artwork. Nag-post kasi ng mga halimbawang artwork ang kaniyang bunsong kapatid sa social media, kaya naman marami ang nagpahatid ng kanilang pagnanais na magpagawa ng artwork sa kaniya.

“Thank you GMA-7 for giving me this opportunity, abangan n’yo po sa Monday,” pasasalamat sa Facebook post ni Frederick sa Kapuso Network na magtatampok sa kaniyang kuwento at mga artworks niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Frederick Del Mundo

Abangan ang kuwento ng sakripisyo para sa pamilya at pagmamahal sa sining ni Frederick sa episode ng Front Row na “Mga Guhit ni Bunso,” sa ganap na 11:30 ng gabi sa GMA-7.

Loading…