Zumba mommies to the rescue sa magtataho na natapon ang paninda

Imahe mula kay Mayor Angelo Aguinaldo
  • To the rescue ang mga zumba mommies ng Kawit, Cavite sa magtataho na natapon ang paninda
  • Nag-ambagan sila upang maibalik ang ipinuhunan ng taho vendor
  • Sinabi ni Kawit Mayor Angelo Aguinaldo na higit pa sa puhunan ang naibalik sa magtataho

Pinusuan ng maraming netizens ang kabutihan at pagmamalasakit na ipinakita ng mga zumba mommies sa isang taho vendor noong Sabado ng umaga, ika-13 ng Pebrero, sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.

Imahe mula kay Mayor Angelo Aguinaldo

Aksidenteng natapon ang paninda ng magtataho na nakilalang si kuya Jun-Jun kaya nag-ambagan ang mga kababaihang nagsu-zumba upang maibalik ang ipinuhunan sa nasayang na taho. Pero ayon sa alkalde ng Kawit na si Mayor Angelo Emilio Aguinaldo, higit pa sa puhunan ang naibalik sa vendor.

Saludo si Mayor Aguinaldo sa kabutihang ipinamalas ng mga zumba mommies.

“Puso at Malasakit ang ipinakita ng ating zumba mommies sa isang magtataho ngayong umaga, matapos ang aksidenteng natapon ang kaniyang inilalako habang nasa Aguinaldo Shrine. Nagtulong-tulong po ang ating zumba mommies at ipinamalas ang bayanihan para mabawi ni Kuya Jun-Jun ang kaniyang puhunan at higit pa,” post ng alkalde sa Facebook.

“Thank you zumba mommies! Nakakatuwa po at handang-handa kayong tumulong sa sinumang nangangailangan,” sabi pa ng alkalde na nagbahagi ng ilang larawan ng natapong taho pati na sago at arnibal.

Imahe mula kay Mayor Angelo Aguinaldo

Isa sa mga nagkomento sa post ng mayor ang nagsabi na kaya pala hindi dumating ang magtataho na hinihintay niya dahil ganoon pala ang nangyari.

“Kaya pala hintay ko, wala. Natapon pala.”

Narito ang iba pang mga komento ng mga netizens sa kabutihan ng mga zumba mommies:

Imahe mula kay Mayor Angelo Aguinaldo

“Good job po mga zumba mommies. Pagpalain po kayo sa kabutihan po ninyo kay kuyang magtataho.”

“Ito po ay isang pagpapakita na basta’t nagkakaisa at nagtutulungan ay walang problemang ‘di mareresolba. Puso at malasakit para sa Kawit. Mabuhay po kayo mga momshies.”

“Yes. Basta OK ang pamamalakad ng mayor, namamana ng mga tao niya. Mabuhay po kayo.”

Loading…