2 bagong istasyon ng LRT 2 East Extension magbubukas na sa Abril – DOTR

Imahe mula sa PNA
  • Magbubukas na sa Abril ang 2 karagdagang istasyon ng LRT 2 East Extension
  • Malaking ginhawa ito para sa mga bumibiyahe mula Manila hanggang Antipolo at pabalik
  • Madaragdagan na rin ang bilang ng mga pasaherong maseserbisyuhan ng buong LRT 2

Dalawang bagong istasyon ng Light Rail Transit (LRT) 2 East Extension ang nakatakdang magbukas sa susunod na buwan gaya ng naipangako ng Department of Transportation (DOTr).

Sa pahayag na inilabas ng DOTr, magkakaroon umano ng soft opening ang Marikina Station (harap ng Sta. Lucia mall at Robinsons) at ang Antipolo Station (harap ng SM Masinag) sa Abril 26 at kaagad itong bubuksan sa publiko kinabukasan (April 27).

Imahe mula sa Facebook-DOTr

Nauna nang naibahagi ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ang LRT-2 East Extension Project ay 93.42% complete na sa pagtatapos ng Enero.

“In less than two months po, mag-ooperate na po ‘yung ating dalawang bagong istasyon,” wika noon ni LRTA spokesperson Atty. Hernando Cabrera sa isang media briefing.

Ang nabanggit na dalawang bagong istasyon ay inaasahang magsisilbi sa mga commuters mula Recto, Manila hanggang Masinag, Antipolo at pabalik. Matatapyasan din ng halos 40 minuto ang nasabing biyahe.

Kapag fully-operational na ang LRT-2 East Extension Project, kaya nitong magsakay ng karagdagang 80,000 pasahero kada araw kaya aakyat na rin sa  240,000 pasahero kada araw ang maseserbisyuhan ng buong LRT 2 line.

LRT 2 East Ext Proj, 2017| Imahe mula sa build.gov.ph

Ang naturang proyekto ay binubuo ng tatlong package. Ang Package 1 na may kinalaman sa pagtatayo ng mga viaducts ay kumpleto na. Ang Package 2 naman na may kinalaman sa design at construction ng mga istasyon ay ‘substantially complete’ na rin umano, ayon sa DOTR.

Samantala, ang pagtatayo ng mga electro-mechanical system, rails, power supply, telecommunications, at signaling system, na kabilang sa Package 3, ay malapit na ring matapos.

“Ongoing po ngayon ‘yan at pina-fast track na po natin ‘yung trabaho natin diyan para matupad po natin ‘yung target na April 26 inauguration,” ayon kay Cabrera na ang tinutukoy ay ang Package 3.

Nauna nang sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade noong Enero na kailangang makumpleto na kaagad ang lahat ng trabaho sa mga istasyon upang magamit at mapakinabangan na ito ng publiko.

Loading…