487,000 doses ng AstraZeneca vaccine darating na sa ‘Pinas ngayong Marso 4

Imahe mula sa Bangkok Post
  • Darating na sa Huwebes, Marso 4, ang 487,000 doses ng AstraZeneca mula sa COVAX facility ng WHO
  • Inaasahang sasalubungin din ito ni Pangulong Duterte subalit wala pang kumpirmasyon ang Palasyo
  • Hindi pa ipinaliliwanag ng Malakanyang kung bakit mas mababa ang bilang nito kaysa unang inaasahang 525,000 doses

Pagkatapos ng Sinovac vaccine, bakuna naman ng AstraZeneca ang susunod na darating sa bansa habang patuloy na ang vaccination program ng pamahalaan sa mga health workers at medical frontliners na sinimulan noong Lunes, Marso 1.

Sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Miyerkules, kinumpirma ng opisyal ng Palasyo na darating na sa Huwebes, Marso 4, ang unang tranche ng AstraZeneca vaccine mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).

Imahe mula sa SCMP

“This is to confirm that the Philippines is set to receive 487,200 doses of AstraZeneca vaccines tomorrow, March 4, 2021, 7:30PM, as part of the first round of allocated doses from the COVAX facility,” ani Roque.

Inaasahan ding sasalubungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang delivery ng AstraZeneca tulad ng ginawa niya sa Sinovac, subalit wala pang kumpirmasyon dito ang Palasyo.

“AstraZeneca’s expected time of arrival is based on the scheduled handover of vaccines. We will notify everyone, if and when there is a change of schedule,” dagdag na pahayag ng kalihim.

Noong Marso 1 pa sana inaasahang darating ang 525,600 doses ng AstraZeneca subalit hindi ito natuloy dahil nagkaroon ng problema sa supply.

Imahe mula sa Gavi, the vaccine alliance

Hindi naman ipinaliwanag ng Malakanyang kung bakit kulang kaysa sa naunang bilang ng bakuna ang darating ngayong Huwebes.

Nauna nang sinabi ng WHO na may nakalaang 5.5 milyon hanggang 9.2 milyon doses ng AstraZeneca vaccine para sa Pilipinas mula sa COVAX facility.

Bukod dito, nasa 17 milyong doses na rin umano ng nasabing bakuna ang nabili ng pribadong sektor at mga local government units (LGUs).

Loading…