Ang birth certificate ay hindi parang de latang sardinas na may expiration date – Sen. Joel Villanueva

Imahe mula sa PSA
  • Sinabi ni Sen. Joel Villanueva na dapat linawin ng PSA na walang expiration ang birth certificate
  • Hindi dapat ire-require ang mga aplikante ng government services na magprisinta ng birth certificate na naka-print sa pinaka-latest version ng security paper ng PSA
  • Dapat na raw ipasa ang panukala niyang Lifetime Validity of Birth Certificate Act

Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa Philippine Statistics Authority (PSA) na linawin nito sa mga ahensya ng pamahalaan na ang birth certificate ay mayroong lifetime validity. May impresyon daw kasi na hanggang six  months lang ang validity niyon.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Pabigat daw sa mga Pilipino, partikular na sa mga naghahanap ng trabaho, ang requirement na ang birth certificate na ipiprisinta ay hindi pa lumalampas sa anim na buwan mula nang kinuha sa PSA. Mababawasan umano ang hindi kinakailangang gastos kung kikilalanin ng mga ahensya ng gobyerno na ang birth certificate ay may lifetime validity.

“Napakalinaw po na pang-habangbuhay ang validity ng birth certificate. Hindi po ito de lata na may ‘best before’ na marka o expiration. Para pong pinagkakakitaan natin ang ating kababayan tuwing nagsusumite sila ng birth certificate para sa iba’t ibang requirement ng mga ahensya ng gobyerno,” pahayag ng senador.

Sa virtual hearing ng Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Reorganization noong Huwebes, March 11, tinanong ni  Sen. Villanueva ang PSA kung ano ang hakbang na ginagawa nito para ipaalam sa mga government agencies ang lifetime validity ng birth certificate.

Sagot ni  PSA deputy national statistician Leo Malagar, tuwing anim na buwan ay pinapalitan nila ang papel kung saan ipini-print ang birth certirficate pero hindi nangangahulugan na ang mga dokumento na naunang naisyu ay expired na.

Imahe mula sa PSA

“Kailangan po ng mas malinaw at mas maayos na polisiya ang ating mga ahensya pagdating sa validity ng birth certificate, kasi po aanhin ng ating mga kababayan ang kanilang birth certificate kung hindi naman tinatanggap ng ibang ahensya ng pamahalaan?” sabi naman ulit ng senador.

Dapat daw na aktibong makipag-ugnayan ang PSA sa mga government agencies upang maitama ang misconception at kalituhan. Nasa posisyon daw ang PSA upang may magawa hinggil dito.

Dahil daw sa kalituhan sa validity ng birth certificate, malinaw umano na kailangan nang ipasa ang Senate Bill No. 1281 o ang proposed proposed Lifetime Validity of Birth Certificate Act na nauna na niyang inihain.

Imahe mula sa Maharlika

Layon ng panukalang batas na ipagbawal  na i-require ang mga aplikante sa mga serbisyo ng gobyerno na magprisinta ng birth records na naka-print sa latestg version ng security paper ng PSA.

“We are born only once and the circumstances and details of our birth do not change,” giit ng senador.

Loading…