Apat na pusa na iniwan sa lumulubog na fishing boat, iniligtas ng Thai Navy

Imahe mula kay First Class Petty Officer Wichit Pukdeelon
  • Iniligtas ng mga Thai Navy officers ang apat na pusa na naiwan sa lumulubog na fishing vessel
  • Nagsagawa ng inspeksyon ang Thai Navy sa insidente upang alamin kung may oil spill at nakita nila ang mga naiwang pusa
  • Pinarangalan ng PETA ang mga rescuers

Hindi inalintana ng mga Thai sailors ang dagat na maalon upang sagipin ang apat na pusa na naiwan sa isang fishing boat na naaksidente sa paradise island na Koh Adang noong Martes, ika-2 ng Marso.

Imahe mula kay First Class Petty Officer Wichit Pukdeelon

Ang walong crew members ng Phamonsin Nava 10 ay tumalon sa dagat nang mag-apoy ang fishing boat at unti-unting lumulubog. Na-rescue sila ng isang dumaraang fishing vessel. Nang tawagan ang Royal Thai para magsagawa ng inspeksyon sa lugar na pinangyarihan upang alamin kung may oil spill, nakita nila ang mga pusa na nagsisiksikan sa isang malaking kahoy sa bangka.

“I used my camera to zoom in to the boat, and I saw one or two cats popping their heads out,” sabi ni First-Class Petty Officer Wichit Pukdeelon ng air and coastal defense division ng Royal Thai Navy.

Lumangoy si Pukdeelon palapit sa lumulubog na fishing vessel at isa-isa niyang iniligtas ang mga pusa. Makikita sa larawang ibinahagi niya sa social media na nakasabit sa balikat niya ang isang pusa habang lumalangoy siya sa dagat patungo sa Navy vessel.

Imahe mula kay First Class Petty Officer Wichit Pukdeelon

Ang mga pusang nailigtas ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga rescuers nila sa Navy command post sa isla ng Koh Lipe.

Dahil sa pagliligtas sa apat na pusa, pinarangalan ng People for the Ethical Treatment of Animals o PETA ang Royal Thai Navy.

Screenshot mula sa WION video

Pinagkalooban ito ng “Hero to Animals Award.”

“These sailors’ courageous and compassionate actions have made a splash with kind people around the world. PETA hopes their example will inspire everyone to keep an eye out for animals in danger and do whatever it takes to get them to safety,” pahayag ni PETA senior vice president Jason Baker.

Sa ngalan ng mga naval officers na rescuers ng mga pusa, tatanggapin ng Royal Thai Navy ang isang sertipiko na nakakuwadro at isang letter of appreciation mula sa PETA. Nag-alok din ito  na sasagutin ang magagastos sa pagpapakapon sa mga pusa.

Imahe mula kay First Class Petty Officer Wichit Pukdeelon
Source :

Facebook, YouTube

Loading…