‘Avatar’ muling naungusan ang ‘Avengers: Endgame’ para maging highest-grossing film of all time

Imahe mula sa IMDB
  • Muling naagaw ng ‘Avatar’ ang titulong ‘highest -grossing film of all time’
  • Ito ay matapos maungusan ang ‘Avengers: Endgame’ dahil sa muling pag-release nito sa China
  • Inaasahang lalaki pa ang lamang nga Avatar sa Avengers sa mga susunod na araw

Dalawang taon matapos malagpasan ng ‘Avengers: Endgame’ bilang ‘highest-grossing film of all time’, muling nabawi ng ‘Avatar’ ang nasabing titulo mula sa Marvel superhero blockbuster.

Noong Sabado, opisyal na nalagpasan ng Avatar ang Avengers matapos itong muling i-release sa China at kumita ng nasa $8.9-M para sa kabuuang worldwide gross na mahigit $2.81-B. Tiyak ding lalaki pa ang lamang nito sa Avengers sa mga susunod na araw dahil ang inaasahang kikitain nito sa China ay nasa $58-M umano.

Imahe mula sa Original Film Art

Samantala, bumaba naman sa pangalawang puwesto ang ‘Avengers:Endgame’ sa worldwide gross nitong $2.797-B.

Narelease ang Avatar na ginawa ni director James Cameron noong 2009 at nalagpasan nito ang isa pa niyang obra, ang ‘Titanic’, sa loob lamang ng 47 araw. Ito rin ang kauna-unahang pelikula na kumita ng mahigit $2-B at naghari sa takilya sa iba’t-ibang bansa sa mundo.

Sa loob ng sampung taon, walang tumalo sa ‘Avatar’ pagdating sa box-office revenue na noon ay umabot sa mahigit $2.7-B.

Avatar Director James Cameron| Imahe mula sa IMDB

Subalit noong 2019, ipinalabas ang pinakahihintay ng maraming superhero fans na ‘Avengers: Endgame’ na idinirehe ng Russo brothers (Anthony at Joe Russo).

Kaagad itong pumatok sa takilya at siyang pinakamabilis pelikulang na kumita ng $1-B (5 araw lang) at $1.5-B (8 araw lang). Nagtapos ang theatrical run ng Avengers para sa worldwide gross na $2.797-B, halos $8-M na mas malaki kaysa sa Avatar para hiranging ‘highest-grossing film of all time’ sa loob ng dalawang taon.

Ang Avatar at Avengers ay parehong pag-aari ng Disney at hindi malayong magbagong muli ang kanilang ranking kapag nagdesisyon ang studio na muli ring i-release ang Marvel Cinematic Universe (MCU) na pelikula sa mga darating na buwan.

Imahe mula sa Edge Hill University

Ang Avatar ay pinagbidahan noon nina Sam Worthington, Zoe Saldana, Sigourney Weaver, Stephen Lang, Michelle Rodriguez at marami pang iba.

Ang Avengers ay binubuo naman ng ensemble cast na kinabibilangan nina Robert Downey Jr., Chris Evans, Chris Hemsworth, Scarlett Johansson, Jeremy Renner, Brie Larson, Mark Ruffalo, Josh Brolin at iba pang Hollywood stars.

Loading…