Awtoridad tiniyak na magiging ‘compassionate’ sa pagpapatupad ng curfew ngayong ECQ

Imahe mula sa PNA
  • Magiging ‘compassionate’ ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng curfew ngayong ECQ
  • Bibigyan umano ng konsiderasyon lalo na ang mga nagtatrabaho
  • Nais lamang daw nilang higpitan ang pakikihalubilo ng mga tao sa isa’t-isa

Tiniyak ng IATF na magbibigay ng konsiderasyon ang mga awtoridad na magbabantay sa mga nakalatag na checkpoints as buong Metro Manila at karatig-lalawigan ngayong ipatutupad na ang mas mahigpit na lockdown.

Simula sa Lunes, Marso 29, ay isasailalim na sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Kamaynilaan at palalawagin na rin ang oras ng curfew. Mula sa dating 10 pm – 5 am ay gagawin na itong 6 pm hanggang 5 am.

NTF Spox Restituto Padilla| Imahe mula sa PNA

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 spokesperson Restituto Padilla, magiging ‘compassionate’ naman ang mga awtoridad sa checkpoints lalo na para sa mga nagtatrabaho.

“We will be compassionate for those on their way home. Kaya lang, may window po yan…(mula) 7:30 to 8 (p.m.), maghihigpit na po ‘yan,” ani Padilla sa panayam ng Teleradyo.

Nais lamang daw nilang higpitan ang pakikihalubilo ng mga tao sa isa’t-isa upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19.

“Ang buod lang po talaga sa pagsasagawa ng paghihigpit na ito ay upang maiwasan yung tagal ng panahon na maraming tao ay nagkakahalubilo, kasi dun ang panahon na nagkakaroon ng transmisyon,” wika pa ni Padilla.

Kabilang sa inilabas na guidelines ng IATF ay ang pagbabawal sa mga edad 17 anyos pababa at 66 anyos pataas na lumabas ng bahay.

Imahe mula sa PNA

Para naman sa mga empleyado ng essential industries, kailangan silang magpakita ng company ID subalit hindi na hahanapan pa ng travel pass.

Gayunpaman, sinabi ng Palasyo na kung mayroong nakatagong lumang travel pass ay mas maiging dalhin na rin ito baka sakaling kailanganin sa checkpoints.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Padilla na ang mga local government units (LGUs) ay maaaring magpatupad ng curfew base sa kanilang naipasang ordinansa.

Loading…