‘Ayuda-in-kind’ na halagang P1,000 ipamimigay ng gobyerno ngayong ECQ

Imahe mula sa AL Jazeera
  • Magbibigay ng ayuda ang gobyerno subalit ito ay ‘in kind’ na
  • Tinatayang nasa P1,000 ito at hindi na lalampas ng P2,000 bawat pamilya
  • Para lamang daw ito sa tatlong araw na walang trabaho dahil Semana Santa

Tiniyak ng Malakanyang na magbibigay ng tulong ang pamahalaan sa mga naninirahan sa lugar na isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) subalit mas mababa ito kesa sa unang naipamahagi noong nakaraang taon.

Nitong Lunes ay inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalaan ng pondong nagkakahalaga ng P22.9-B para sa ayuda ng 80 porsiyentong residente ng NCR Plus.

Imahe mula sa PNA

Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, maaaring ang ayuda na ito, na nasa halagang P1,000, ay ‘in kind’ at hindi na cash tulad noong taong 2020 nang unang isailalim ang bansa sa ECQ. Subalit depende pa rin umano ito sa magiging desisyon ng local government units (LGUs).

“Depende po iyan sa LGU kung anong klaseng ayuda ang ibibigay nila, kung ito ba ay cash or in kind,” ani Avisado.

Ang tulong na ito, ayon kay Avisado, ay magmumula sa natirang pondo ng Bayanihan 2.

Sa panayam naman ng ABS-CBN News kay Presidential Harry Roque, sinabi ng kalihim na hindi lalampas sa P2,000 ang ipamimigay na tulong ng gobyerno bawat pamilya.

Imahe mula sa PNA

”I would estimate mga ganyan po yan, it may even be smaller,” bahagi ni Roque.

Mas pabor daw ang mga LGUs na ‘in-kind’ na lamang ang tulong na ipamimigay dahil kung saan-saan pa napupunta ang pera kapag ‘cash’ mismo ang ibinigay.

“Yung mayors po, as of last Saturday, nagsasabi they prefer to give in-kind kasi yung mga binigay na ayuda, napakarami po dyan e napunta sa sugal, napunta sa bisyo kaya mas gusto nila yung nakakain na ng kanilang constituents,” ayon kay Roque.

Imahe mula sa SHLC

Ang naturang halaga ay para lamang sa tatlong araw na walang trabaho ngayong ECQ dahil na rin sa Semana Santa, paliwanag ng tagapagsalita ng Palasyo.

“So I’d like to manage yung expectations na hindi po gaya nung dating binigay natin na ayuda dahil matagalan yung ating ECQ,” dagdag pa ng opisyal.

Loading…