Bahagi ng BGC-Ortigas Road Link Project bubuksan na sa Mayo – DPWH

BGC-Ortigas Road Link Project| Imahe mula sa PNA
  • Bubuksan na sa Mayo ang bahagi ng BGC-Ortigas Road Link Project
  • Inaasahang makaluluwag ito sa biyahe sa pagitan ng dalawang business district
  • Makatutulong rin ito upang lumuwag ang EDSA at C-5

Posibleng mabuksan na sa mga motorista nitong Mayo ang bahagi ng BGC-Ortigas Road Link Project, partikular na ang Sta. Monica-Lawton Bridge na ayon kay Department of Public Works and Highways Sec. Mark Villar ay kumpleto na.

Ang Sta Monica-Lawton Bridge ay isang major component ng naturang proyekto. Ito ay isang superstructure na magdudugtong ng Lawton Avenue sa Makati City sa Sta. Monica Street sa Pasig City at dadaan sa ibabaw ng Pasig River.

Imahe mula sa DPWH – Facebook

“With a few more needed finishing works, we’re very excited to partially open a new connectivity between Bonifacio Global City and Ortigas business districts to the public by the second quarter,” wika ni Villar.

Sa ulat ni DPWH Undersecretary for Unified Project Management Office (UPMO) Operations Emil K. Sadain kay Villar, nasasaad dito na maliban sa natitirang finishing works sa Sta Monica-Lawton Bridge, full blast na rin ang ginagawang rehabilitation at widening works sa Brixton Street kanto ng Reliance Street patungong Fairlane Street.

Imahe mula sa DPWH – Facebook

Bahagi rin ng proyekto na babaybay sa Lawton Street hanggang bungad ng BGC ay ang konstruksiyon ng Lawton Avenue – Global City Viaduct kung saan ginagawa na ang preparasyon para sa bored piling. Ito ay nakatakdang makumpleto sa Setyembre ngayong taon din.

Ang Bonifacio Global City-Ortigas Center Link Road Project, na may habang 1.367 kilometro, ay bahagi ng Metro Manila Logistics Network.

Imahe mula sa DPWH – Facebook

Kapag nabuksan na ito, inaasahang aabot na lamang sa 12 minuto ang itatagal ng biyahe mula BGC hanggang Ortigas, at vice versa, mula sa kasalukuyang isang oras.

Malaking tulong rin ito para sa maalwang biyahe sa pagitan ng mga lungsod ng Pasig, Mandaluyong, Taguig at Makati, habang mapapaluwag naman ang trapik sa EDSA at sa C-5.

Loading…