Bakit malaking tagumpay ang vaccination program ng Israel?

Screenshot mula sa Reuters video
  • Sa buong mundo, ang Israel ang may pinakamatagumpay na vaccination program kontra sa COVID-19
  • Sa pinakahuling datos, mahigit kalahati na ng populasyon nito ang nabakunahan na
  • Isa sa mga dahilan ng tagumpay na ito ay ang maayos nitong healthcare program

Mabagal ang pag-usad ng COVID-19 vaccination program sa maraming bansa, pero ang Israel ay naging maagap at mabilis sa pagbabakuna sa mga mamamayan nito na nagsimula noon pang December 20 ng nakaraang taon.

Screenshot mula sa Reuters video

Sa pinakahuling tala ay mahigit kalahati na ng populasyon nito ang nabakunahan na (Population: 9,291,000; nabakunahan: mahigit 4,700,000). Ang plano ng Israel ay mabakunahan ang 80% ng mga mamamayan sa buwan ng Mayo.

Batay sa Our World in Data, ang ibang bansa na nangunguna sa vaccination program ay ang UK na nakapagbakuna na ng 18.4% ng populasyon at ang US na 12.3% na ang vaccinated citizens.

Dahil sa tagumpay ng vaccination program ng Israel ay marami nang mga negosyo at establisimyento ang nagbukas.

Ano ba ang sikreto nila?

Maraming factors umano ang nakatulong sa success ng programa.

Isa na rito ang ginawang vaccine delivery deal nito sa Pfizer. Kapalit ng maagang delivery ng vaccine ay ibinigay ng Israel sa Pfizer ang healthcare database o ang electronic health record ng mga Israelita kaya maagang napag-aralan ng kumpanya ang impact ng bakuna kung maibibigay iyon sa maraming tao.

Screenshot mula sa NXT video

Dahil digitized ang healthcarte system, mabilis na naibigay ng Israel sa Pfizer ang mga datos. Dalawang dekada na ang healthcare system nila na laging updated ang mga datos. Noon pang 1995 ay may universal national health insurance coverage na ang lahat ng mga mamamayan ng Israel.

Batay sa resulta sa unang 1.2 million na nabakunahan kung saan 60 years old pataas ang priority, lumabas na nabawasan ng 94% ang symptomatic cases sa lahat ng age groups. Nabawasan naman ng 92% ang nagkaroon ng severe illness sa lahat din ng age groups. Ito ay nagpapatunay na epektibo ang bakuna.

Screenshot mula sa Reuters video

Naging mabilis din ang Israel sa paglabas ng pondo para sa pagbili at distribusyon ng bakuna kaya naging mabilis ang vaccination program nila.

Bukod pa roon, kahit wala pang pandemya ay organisado na ang kanilang national epidemic management team at ang national immunization technical advisory kaya madali nilang na-identify kung sinu-sino ang quualified na mabakunahan.

Ang iba sa mga mamamayan ay nakatatanggap na lang ng text message na nagsasabing pasok sila sa qualifications ng mga puwedeng bakunahan.

Sa kabila ng tagumpay ng vaccination program ay hindi pa rin nagpapakakampante ang Israel. Patuloy pa rin nilang sinusunod ang mga health protocols.

Screenshot mula sa Reuters video

Loading…