Best move? Wesley So ganap nang isang US citizen

Imahe mula sa US Chess Federation
  • Ganap nang isang US citizen si Super Grandmaster Wesley So
  • Naaprubahan ang kaniyang US citizenship nitong Pebrero 26 sa St. Paul, Minneapolis
  • Ani So, bahagi na umano siya ngayon ng tinatawag na ‘American Dream’

Pitong taon matapos tuluyang lisanin ang Pilipinas, natupad na rin ang pangarap ni chess Super Grandmaster Wesley So na maging ganap na American citizen.

Si So ay nanirahan sa Estados Unidos noong 2014 matapos ang ilang taon bilang kinatawan ng Pilipinas sa mga chess tournament at nag-uwi ng maraming karangalan. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Excelsior, Minnesota.

Imahe mula sa Chessbase

Ayon sa US Chess Federation, pormal na nakuha ng 27-anyos na World Fischer Random champion ang US citizenship noong Pebrero 26, 2021.

Nang tanungin kung bakit siya lumipat sa US, sagot ni So, “For a better future, because this is the land of opportunity.”

Ang nagustuhan niya umano sa US ay ang oportunidad na ibinibigay sa bawat isa basta’t masipag lamang at nagsisikap sa buhay ay tiyak na magtatagumpay. Hindi naman daw ito nangangahulugan na hindi na niya mahal ang bayang sinilangan.

“That does not mean I don’t love the Philippines. I have good memories from there. But I did not have the connections needed to succeed in that culture. I was from the province, not a city boy. Had no money etc. I wanted to go further, and there was only one country a nobody can make it. The USA!” ani So.

Imahe mula sa Chessbase

Wika pa ng two-time at reigning US Chess champion, labis na tuwa ang kaniyang naramdaman nang malaman niyang naaprubahan na ang kaniyang application.

“I am now a part of the American Dream. I am part of the most successful country on earth, ready to make my own contribution and have my own legacy here,” bahagi pa ni So, na naging bahagi ng 2016 Team USA na nagbigay ng kauna-unahang Olympic gold medal sa chess sa Amerika simula pa noong  1976.

Si So ay dating naninirahan sa Bacoor, Cavite. Una siyang tumungo sa US noong 2012 bilang bagong recruit ng Webster University.

Loading…