Biglaang pagtaas ng COVID nakaalarma na; posibleng pumalo sa 6,000 kada araw sa katapusan ng Marso – OCTA

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Nagpahayag ng pagka-alarma ang OCTA Research dahil sa patuloy, biglaan at mabilis na pagtaas ng bilang ng COVID sa bansa
  • Posible umanong pumalo ng hanggang 6,000 kada araw sa katapusan ng buwan
  • Kailangang bantayan ng gobyerno ang mga itinuturing na ‘high-risk’ na lugar

Patuloy at bumibilis ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa at maaaring pumalo ito sa 6,000 kada araw sa katapusan ng Marso.

Nagpahayag ng pagkaalarma ang OCTA Research dahil umabot na naman sa mahigit 3,000 ang naitalang kaso sa isang araw nitong nagdaang Sabado, na katumbas noong buwan ng Hulyo sa kasagsagan ng pandemya.

Imahe mula sa GMA News

Ayon sa OCTA ang 1,025 cases na average sa NCR para sa linggong Pebrero 28 hanggang Marso 6 ay katumbas ng 42% na pagtaas kumpara sa nagdaang linggo, at halos 130% na mas mataas dalawang linggo na ang nakararaan.

“The last time the region had seen this rate of increase was in July 2020,” ayon sa OCTA na ang tinutukoy ay ang reproduction rate na 1.66 sa NCR. “However, this surge is spreading more quickly than the July-August surge, and this suggests the possibility that the surge is driven by SARS-Cov2 variants.”

Dahil dito, ang forecast ng OCTA ay papalo sa 5,000-6,000 na bagong kaso ang maitatala sa katapusan ng buwan sa buong bansa; ang Metro Manila ay posibleng lumobo sa 2,000 kada araw sa Marso 21, at 3,000 kada araw sa Marso 31.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Base sa pinakahuling data ng Department of Health (DOH), nasa 41% nang kaso sa bansa ay naitala sa NCR.

Hinikayat ng research group ang pamahalaan na paigtingin pa ang kampanya nito kontra-COVID kabilang na ang pagpapatupad ng localized lockdown at mas pinalawak na testing at contact tracing.

Ito ay lalo na umano sa mga itintuturing ngayong ‘high-risk’ na lugar tulad ng mga lungsod ng Pasay, Makati, Malabon at Navotas.

“Given that a surge in the NCR is now not a question of if but of how much, we exhort the government to ensure the urgent but efficient deployment of vaccines during the month of March,” ayon pa sa pahayag ng OCTA.

Loading…