Biniling 1 milyon na Sinovac vaccine darating na sa Marso 21 – Galvez

Imahe mula sa PNA
  • Parating na ang biniling isang milyong doses ng Sinovac ngayong Marso 21
  • May karagdagang donasyon din umano na 400,000 mula sa Sinovac din
  • Bukod dito, inaasahang maide-deliver din ngayong linggo ang 38,400 doses ng AstraZeneca mula COVAX facility

May parating na muli na 1 milyong doses ng Sinovac vaccine mula sa China ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na donasyon kung hindi binili na mismo ng Pilipinas.

Nitong Linggo, Marso 7, ibinahagi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na darating sa Marso 21 ang biniling isang milyong doses ng Sinovac.

Bukod dito may karagdagan pang 400,000 doses na donasyon na ide-deliver na rin ngayong buwan.

Imahe mula sa NEDA

“Meron po tayong na-procure na 1 million na darating po sa March 21,” ani Galvez sa isang panayam sa ginawang vaccination roll-out sa Santa Rosa City, Laguna.

“So 1.4 million ang darating this March,” dagdag pa ng kalihim.

Noong Pebrero 28, dumating sa bansa ang kauna-unahang COVID-19 vaccine na 600,000 doses ng Sinovac na donasyon mula sa China.

Sinundan ito ng 487,200 na doses naman ng AstraZeneca na mula naman sa COVAX facility ng Wold Health Organization. Inaasahan ding maide-deliver ngayong linggo ang karagdagan pang 38,400 na bakuna ng AstraZeneca.

Kaugnay nito, posible ring dumating sa Mayo ang nalalabi pang AstraZeneca vaccine mula sa inorder ng Pilipinas na 4.5 milyong doses. Dahil dito, nasa 1.5 milyong doses ng bakuna ang maaaring matanggap ng bansa kada buwan, ayon kay Galvez.

Imahe mula sa Gavi, the vaccine alliance

Noong Lunes, Marso 1, inumpisahan na ng gobyerno ang vaccination roll-out para sa health workers, medical frontliners at uniformed personnel na nasa priority list.

Ayon kay Galvez, nasa 100 ospital na ang nakatanggap ng COVID-19 vaccine sa buong bansa.

“Our priority for the vaccination, so far, are the Covid-19 referral hospitals, public hospitals, and private hospitals,” wika ng vaccine czar.

Tiniyak din ng opisyal na magkakaroon ng ‘equitable distribution’ at deployment ng COVID vaccine sa buong Pilipinas.

Loading…