Calapan mayor nilinaw na sumunod si PNP chief Sinas sa travel requirements ng lungsod

Imaher mula sa PNP PIO
  • Nilinaw ng alkalde ng Calapan na sumunod si Sinas sa kanilang travel requirements
  • Hindi rin umano napapatunayan pa na may nilabag na protocol ang PNP chief
  • Ganito rin ang naging pahayag ng Mimaropa regional director

Nilinaw ng alkalde ng Calapan City na sinunod ni PNP chief General Debold Sinas ang kanilang travel requirements nang bumisita sa lungsod ang huli noong isang linggo.

Ayon kay Mayor Arnan Panaligan sa panayam ng Teleradyo nitong Lunes, online registration lang at kumpirmasyon mula sa LGU ang kanilang hinihingi sa sinumang nais pumasok sa Calapan at ito ay na-comply naman ni Sinas.

Imahe mula sa NCRPO Facebook page

“As far as we are concerned, nag-online registration si General Sinas at nakatanggap siya ng confirmation. Kasi nga ay maluwag na ngayon per IATF,” ani Panaligan. “Hindi rin required ang PCR test sa mga travelers. So dumaan naman sa proseso si General Sinas.”

Dahil dito, hindi pa naman daw napatutunayan na hindi sinunod ng PNP chief ang health protocol nang dumalaw ito sa lungsod gaya ng inilabas na pahayag ng provincial government ng Oriental Mindoro.

“Na-correct namin ‘yan. Hindi pa naman ma-establish na merong violation of protocol kasi ang required lang naman ay online registration at confirmation. So dumaan siya sa prosesong iyon,” paglilinaw ng alkalde.

Imahe mula sa Oriental Mindoro PIO

Magugunitang muling nasangkot sa kontrobersiya si Sinas nang ianunsiyo nito na nagpositibo siya COVID sa kaparehong araw ng kaniyang pagbisita sa Calapan noong Huwebes.

Sinabi rin ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na maaaring papanagutin ang PNP chief kapag napatunayang hindi ito sumunod sa ipinatutupad na health protocol ng probinsiya nang dumating ito sakay ng helicopter at hindi dumaan sa screening ng lungsod.

“Si Gen. Debold Sinas ay hindi dumaan sa pier ng Calapan at hindi siya kabilang sa mga na-profile na kawani ng PGOM (Provincial Government of Oriental Mindoro). Siya ay dumating sa lalawigan lulan ng helicopter,” ayon sa pahayag sa Facebook ng provincial government.

Imahe mula sa Province of Oriental Mindoro Facebook

Subalit ayon kay Panaligan, nagnegatibo dati si Sinas sa kaniyang test noong Marso 9 kaya tumuloy ang PNP chief sa Calapan.

Pero nagpositibo ito nang muling magpatest noong Marso 11 para naman sana sa kaniyang susunod na biyahe sa Palawan subalit natanggap niya ang resulta habang nasa Calapan.

Ganito rin ang naging pahayag ni Mimaropa regional director Brig. Gen. Pascual Muñoz, Jr. Ani Muñoz, ginawa ni Sinas ang lahat para sumunod sa safety standards at wala itong nilabag na protocol base na rin sa requirements na hinihingi ng lungsod ng Calapan.

Loading…