China bukas na muli sa mga Pinoy na nabakunahan lamang ng Chinese vaccine

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Bukas na sa mga Pilipino ang China subalit para lamang sa nabakunahan ng Chinese vaccine
  • Para rin lang ito sa mga biyaheng may kinalaman sa negosyo o pamilya
  • Patuloy na makikipag-ugnayan ang China para sa pag-iisyu ng vaccination certificates

Simula Marso 15, muling tatanggap ang bansang China ng mga biyaherong Pilipino subalit yaong mga nabakanuhan lamang ng vaccine na nagmula sa kanila.

Sa anunsiyong inilabas ng Chinese Embassy sa Manila kamakailan, sinabi rito na muling tatanggap ng visa application ang China mula sa mga Pinoy para sa mga biyaheng may kinalaman sa kanilang negosyo o pamilya.

Imahe mula sa Facebook-Chinese Embassy Manila

“To resume orderly cross-border travel, starting from 15 March 2021, China will make facilitation arrangements for visa applicants who have been fully vaccinated by Chinese COVID-19 vaccines with vaccination certificates,” ayon sa pahayag ng embassy.

Patuloy umanong makikipag-ugnayan ang China para sa pag-iisyu ng vaccination certificates para sa mga nabakunahan ng Chinese vaccine sa Pilipinas.

“The Chinese embassy will keep close contacts with the relevant Philippine authorities on establishing a mechanism for verifying vaccination certificates, discussing a mutual recognition mechanism for international travel health certificates, to facilitate healthy, safe and orderly bilateral personnel exchanges,” dagdag pa ng embahada.

Ang desisyong ito ay kasunod ng kaparehong anunsiyong inilabas para naman sa mga residente ng Hong Kong bagama’t hindi roon kasali ang mga foreign tourists.

Screenshot mula sa Facebook-Chinese Embassy Manila

Hindi naman malinaw pa kung ang pagbubukas ng border ng China ay para lamang sa mga Pinoy o kabilang na rin ang mga banyagang nasa Pilipinas.

Ito ang unang pagkakataon na magbubukas ang China sa mga Pilipino simula nang magsarado ang kanilang border para sa mga banyaga noong Marso sa pagsisimula ng pandemya.

Magugunitang ang 600,000 doses ng Sinovac vaccine na donasyon mula China ang kauna-unahang dumating na bakuna sa Pilipinas noong Pebrero 28.

Noong isang linggo ay inanunsiyo rin ni vaccination czar Secretary Carlito Galvez na parating na rin sa bansa ngayong Marso 21 ang biniling 1 milyong doses ng Sinovac bukod pa sa karagdagang donasyon na 400,000 doses.

Loading…