COVID ‘vaccine tracker’ ng gobyerno ilulunsad na ngayong linggo – Palasyo

Imahe mula sa PNA
  • Nakatakda nang ilunsad ng gobyerno ang ‘vaccine tracker’
  • Ito ay matapos manawagan si Senador Hontiveros sa DOH at IATF
  • Kailangan umano ito upang updated ang publiko sa vaccination program ng pamahalaan

Ilulunsad na ngayong linggo ang ‘vaccine tracker’ upang ma-monitor ang pag-usad ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, ibinahagi ni Roque na nakatakda na itong ilunsad anumang araw ngayong linggo at posibleng sa darating na Miyerkules.

Imahe mula sa PNA

“Ilulunsad ang ating vaccine tracker this week. Ang last na advice sa ‘kin, this Wednesday baka mailunsad na ‘yung ating vaccine tracker,” ani Roque.

“Sa Wednesday, ilulunsad na natin ‘yung vaccine tracker so antayin natin this week,” dagdag pa ng kalihim.

Ito ay matapos manawagan si Senador Risa Hontiveros sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) at Department of Health (DOH) na bumuo ng ‘vaccine tracker’ upang ma-update lagi ang publiko sa sitwasyon ng pagbabakunang ginagawa ng pamahalaan.

Giit ni Hontiveros, umutang ang Pilipinas ng halos $900-M para ipambili ng bakuna kaya nararapat lamang na updated ang mga Pilipino rito dahil sila naman talaga ang magbabayad sa nasabing utang.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Risa Hontiveros

“Ang taumbayan ang magbabayad ng mga utang na iyan. A vaccine tracker updated daily and accurately will be especially important when we start receiving the vaccines we paid for,” pahayag ni Hontiveros.

Ayon pa sa senador, ang ‘vaccine tracker’ ay magsisilbi ring ‘money trail’ kung saan napunta ang perang inutang at kung ito ay nagagamit nang maayos.

Noong Marso 1 nagsimula ang vaccination program ng gobyerno matapos dumating an 600,000 doses ng Sinovac na donasyon ng China. Dumating na rin sa bansa ang kabuuang 525,600 na doses ng AstraZeneca na nagmula naman sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).

Base sa pinakahuling update ng DOH nitong Lunes, Marso 15, nasa 193,492 doses na mga nabanggit na bakuna ang kanilang naipamahagi at naiturok na karamihan ay sa mga health workers, medical frontliners at uniformed personnel ng AFP at PNP napunta.

Loading…