Crackdown sa mga lumalabag sa health protocols ipinag-utos ng DILG sa mga LGUs

Imahe mula sa PNA
  • Ipinag-utos ng DILG ang crackdown sa mga health protocol violators
  • Hinikayat ng DILG na magpasa ng mga ordinansa ang mga LGUs na magpapataw ng kaukulang parusa sa mga violators
  • Maaaring magpatupad ng localized lockdown ang mga LGUs sa mga nasasakupang lugar na hindi na kailangan ng approval mula IATF

Inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na pangunahan ang crackdown laban sa mga lumalabag sa health protocols upang mapigil ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa PIA

Sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na naglabas din ng isang circular ang ahensya na nag-aatas sa mga LGUs na magsumite ng mga lugar sa kanilang hurisdiksyon kung saan kinakailangang magsagawa ng COVID-19 testing.

Hinikayat ng ahensya ang bawat LGU na magpasa ng ordinansa na magpapataw ng penalty sa mga violators.

Ibinahagi rin ni Usec. Malaya na nag-deploy ng 180 pulis ang DILG sa Pasay City, na dumaranas ngayon ng paglobo ng bilang ng mga COVID-19 cases, para magpatupad ng safety at health protocols upang mapigil ang pagkalat ng virus.

Simula noong February 26 hanggang March 4, ang Pasay City ay nakapagtala ang 128 new cases ng COVID-19 infections kaya tinawag ito ng OCTA Research Group bilang isang hotspot ng COVID-19.

Ayon sa OCTA Research Group, iyon na ang naitalang highest average ng daily cases sa Pasay City, mas mataas pa ito kumpara sa nangyaring COVID-19 surge noong August 2020.

“Nag-utos po si OIC Florece ng crackdown sa mga nagba-violate ng minimum health standards,” wika ni Usec. Malaya.

Imahe mula sa PCOO

Binigyan ni DILG  Officer-in-Charge Bernardo C. Florece, Jr. ng direktiba si Joint Task Force Shield Commander P/Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag na magdagdag ng mga pulis na ide-deploy na istriktong magpapatupad ng minimum public health standards sa Pasay, Malabon, Navotas, Cebu City at Cebu Province, na nakapagtala ng pagsipa ng new COVID-19 cases nitong nagdaang mga araw.

“Naging kampante ang ating mga LGUs maging ang PNP sa enforcement ng ating mga minimum health standards kaya’t inaatasan ko ang ating mga local officials kasama ang mga barangay at kapulisan na puspusang ipatupad ang basic health protocols sa lahat ng barangay sa ating bansa,” direktiba ni OIC Florece.

Sabi pa niya, kung ang mga ordinansa ng mga LGUs hinggil sa pagpapatupad ng health protocols ay walang karampatang penalty, dapat umano itong baguhin dahil walang ngipin ang mga ganitong ordinansa.

Imahe mula sa PIA

“Kailangang patawan ng kaukulang sanctions ng mga LGUS ang mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa health protocols. Ang pagsuway at pagkakamali ng iilan ay katumbas ng mas maraming kaso (ng COVID-19),” ani Florece.

Aniya, ang mga LGUs ay puwede ring magpatupad ng localized lockdown sa mga nasasakupan na hindi na kailangan ng approval mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Loading…