Deep Nostalgia, ang bagong app na may haplos sa puso

  • Isang bagong app ang kinahuhumalingan ngayon sa internet
  • Ang Deep Nostalgia ay isang artificial intelligence program na nagagawang pagalawin ang mga larawan
  • Dahil sa Deep nostalgia ay nagkaroon ng interes sa genealogy o ang pag-aaral sa family history ang mga tao, lalo na ang mga mas nakababatang henerasyon

Isang bagong application software (app) ang kinahuhumalingan ngayon sa internet dahil naibabalik nito ang mga alaala ng mga mahal sa buhay na matagal nang nahimlay. Ito ang Deep Nostalgia ng MyHeritage; isang genealogy platform.

Ang Deep Nostalgia ay isang artificial intelligence program na nagagawang pagalawin ang mga larawan.

Wala pang isang buwan mula nang ilunsad ito ng MyHeritage noong huling bahagi ng Pebrero, subalit milyun-milyong mga larawan na ang “binigyang-buhay”nito.

Mahirap ipaliwanag ang sari-saring emosyon na mararamdaman kapag makita mong tumatango, ngumingiti at gumagalaw ang mga mata sa mga lumang larawan ng mga taong minamahal na wala na sa piling.

Kahit alam ng mga gumagamit ng Deep Nostalgia app na ang nakikita nila ay hindi tunay, humahaplos pa rin ito sa kanilang puso na marahil ay dahil sa pangungulila at mga alaalang nagbabalik.

Ayon sa MyHeritage, isang Israel-based company, noong inilunsad nito ang Deep Nostalgia sa Roots Tech Connect 2021 noong February 25, ay alam nitong ikatutuwa ng mga mahihilig sa family history na makita ang kanilang mga ninuno na “muling mabuhay” sa pamamagitan ng teknolohiya.

Imahe mula sa MyHeritage

Alam din umano nito na may potensyal na mag-viral ang app at umaasang ganoon nga ang mangyayari.

Pero, ikinagulat ng MyHeritage ang mainit na tugon ng mga tao sa Deep Nostalgia. Labis labis daw nitong nalampasan ang kanilang ekspektasyon.

Bukod pa roon, dahil sa Deep nostalgia ay nagkaroon ng interes sa genealogy o ang pag-aaral sa family history ang mga tao, lalo na ang mga mas nakababatang henerasyon.

Ang paggunita sa kaarawan ng mga mahal sa buhay ay tunay namang naghahatid ng kaligayahan.  “Happy birthday in heaven po!”

Loading…