DILG sisilipin ang napaulat na mga non-health workers na ‘sumisingit’ sa vaccination line

PH vaccination program| Imahe mula sa SCMP
  • Naiparating na sa DILG ang mga ulat tungkol sa mga sumisingit sa vaccination line na ‘di naman health workers
  • Kamakailan ay naibalitang naturukan na ng bakuna si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez
  • Nakiusap ang DOH sa mga hindi health workers na ‘wag makipag-unahan

Nakipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa Department of Interior and Local Government (DILG) tungkol sa napaulat na mga sumisingit sa vaccination line ng gobyerno na hindi naman mga health workers na kabilang sa priority list.

Sa press briefing nitong Lunes, ibinahagi ni Dr. Razel Nikka Hao ng DOH COVID-19 surveillance and quick action unit na minomonitor na nila ang mga natanggap na ulat para sa kaukulang aksiyon.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Alfred Romualdez

Nakiusap rin ang opisyal sa mga hindi health workers na huwag makipag-unahan sa pagpapaturok dahil may sinusunod na programa ang gobyerno.

“I just want to reiterate that we really all should play our role in making sure that our prioritization list is being followed,” ani Hao.

Kaugnay nito, sinabi naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na naiparating na nila ang isyu sa DILG. Kasunod ito ng napaulat na nabakunahan na ng COVID vaccine si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa kanilang bahay.

“Recent reports of non-HCWs being inoculated have already been referred to the DILG,” ani Vergeire sa mensahe na ipinarating sa mga mamamahayag.

Imahe mula sa PCOO

Nagpaalala rin si Vergeire na dahil sa kakapusan ng bakuna sa ngayon, dapat ay unahin muna ang mga health workers na siyang nangangailangan nito ng higit kanino man.

“The DOH further reiterates the plea of the President and calls on officials in the government to await their turns and follow the approved prioritization framework being employed by the national government,” wika ni Vergeire.

Nitong Lunes, inamin ni Health Undersecretary Leopoldo Vega sa isang panayam na nakatatanggap sila ng mga ulat tungkol sa ‘pagsingit’ ng mga non-health workers sa vaccination line na ipinatutupad ng gobyerno.

Ani Vega, maliit lang naman daw ang bilang ng mga ‘sumisingit’ sa linya at talagang hindi rin ito maiiwasan. Ganun pa man, hindi rin daw ito tama sapagkata nasa programa ng gobyerno na unahin muna ang health workers at medical frontliners.

Loading…