DITO nilinaw na hindi limitado ang kanilang serbisyo sa ilang mobile phone models lang

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Nilinaw ng DITO na ‘di limitado sa iilang brands at models lang ang serbisyo ng kanilang network
  • Posibleng compatible rin umano ito sa ibang models na wala sa listahan at dumadaan pa sa compatibility test
  • Gayunpaman, maaaring magkaroon ng technical issues sa ngayon ang mga models na wala pa sa partial list

Nilinaw ng third telco DITO Telecommunity na hindi limitado ang serbisyo ng kanilang network sa ilang mobile phone brands lang na nasa listahang lumabas noong isang araw.

Pormal na nagkaroon ng commercial rollout ang DITO sa ilang piling lungsod sa Mindanao at Visayas noong Lunes, Marso 8. Subalit nadismaya ang ilang netizen matapos lumabas na ilang brand ng cellphone lang muna ang compatible umano sa kanilang SIM card.

Imahe mula sa gizguide

Kabilang na rito ang piling models ng MyPhone, Huawei, Samsung, Oppo, TCL, Cherry Mobile at Vivo brands. Kapansin-pansin na hindi kasama sa listahang lumabas ang iPhone, Xiaomi, Realme, Nokia, LG at marami pang iba.

Subalit nilinaw ni DITO chief technology officer Rodolfo Santiago na bagama’t tiyak na 100% compatible sa kanilang network ang nasa listahan, hindi naman nangangahulugan na ang hindi nakasama rito ay hindi na compatible.

“Those [models] not in the list does not necessarily mean that they are not compatible. It just means that models not in the list have not undergone a collaborative compatibility test with our networks,” ani Santiago sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public services.

Gayunpaman, hindi umano nila magagarantiya sa ngayon na ang wala sa listahan ay hindi makararanas ng technical issue pagkat isinasagawa pa ang compatibility test dito.

“To protect the public, there may be technical issues that are unforeseen,” wika pa ni Santiago.

Imahe mula sa phcorner.net

Ipinaliwanag rin ni DITO chief administrative officer Adel Tamano na hindi muna nila isinama sa listahan ang ibang models at brands upang hindi masayang ang pera ng ilang subscribers na bibili ng SIM card nila subalit hindi naman pala ito magagamit.

“The commercial reason is because we want to protect the consumers from wasting their money. We don’t want them to waste their money to buy our SIMs, services and they cannot fully utilize their phones because of compatibility,” paliwanag ni Tamano.

Ibinahagi rin ni Tamano na isang araw matapos ang kanilang rollout, umabot na kaagad sa mahigit 22,000 ang nag-sign up na subscribers sa kanila habang mahigit 7,500 naman ang naibentang SIM cards.

Loading…