DOH nakapagtala ng 7,103 bagong kaso ng COVID; pinakamataas na record sa bansa

Lockdown sa Pasay City| Imahe mula sa PNA
  • Nakapagtala ang bansa ng pinakamataas na bilang ng nahawahan ng COVID simula nang ideklara ang pandemya
  • Nasa mahigit 7,100 panibagong kaso ang naiulat sa DOH nitong Biyernes, Marso 19
  • Ang pinakahuling pinakamaraming kasong naitala ay noong Agosto 10, 2020

Nakapagtala ng 7,103 panibagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health nitong Biyernes, Marso 19 na siyang pinakamataas na nai-record sa bansa simula nang ideklara ng pandemya.

Dahil dito pumalo na sa 648,066 ang kabuuang bilang ng populasyon na nahawahan ng COVID habang 73,264 naman ang nananatiling active cases o nasa 11.3%.

Imahe mula sa DOH

Dito ay hindi pa nakasali ang mula sa 5 accredited na laboratoryo dahil nabigong makapag-submit ng kanilang data.

Samantala, nasa 561,902 naman ang gumaling mula sa sakit habang 13 ang sinawimpalad na hindi naka-rekober.

Ang pinakahuling naitalang pinakamaraming kaso ng tinamaan ng COVID ay 6,958 noong Agosto 10, 2020.

“Naitala ngayong araw ang pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19, kaya patuloy na nananawagan ang DOH na manatili na lamang tayo sa ating mga tahanan at iwasang lumabas kung hindi talaga kinakailangan,” ayon sa pahayag ng DOH.

“Ipagpatuloy din natin ang wasto at mahusay na pagsunod sa ating public health standards upang mapigilan ang pagkahawa at pagkalat ng COVID-19,” wika pa ng ahensiya.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Kaugnay nito, suspendido na muna ang operasyon sa mga driving schools, traditional cinemas, arcades, libraries, archives, museums at cultural centers sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) sa loob ng dalawang linggo.

Binawasan na rin muna ang capacity ng mga dine-in restaurants, cafes at mga establisimyentong nag-aalok ng mga personal care services sa 50% na lamang; habang ang mga religious gatherings ay limitado na rin sa 30% venue capacity.

Binago rin ang unang inilabas na patakaran sa mga paliparan at pinayagan nang makapasok sa bansa ang lahat ng mga Pinoy kabilang na ang mga hindi migrant workers. Subalit bawal pa ring pumasok sa bansa ang mga banyaga simula Marso 22 hanggang Abril 21.

Loading…