Doris Bigornia nagpapagaling na matapos ang matagumpay na surgery, ayon sa anak

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Nagpapagaling na si Doris Bigornia matapos sumailalim sa surgery
  • Patuloy pa rin umano silang humihingi ng panalangin para sa kaniyang mabilis na paggaling
  • Noong isang linggo ibinahagi ni Alvin Elchico ang nangyari sa kaniyang co-anchor

Nagpapagaling na ngayon ang beteranang ABS-CBN broadcast journalist na si Doris Bigornia matapos sumailalim sa surgery kamakailan dahil sa problema sa puso.

Sa Twitter, ibinahagi ng anak ni Doris na si Nikki ang magandang balita tungkol sa kaniyang ina na kilala din bilang ‘Mutya ng Masa’.

Screenshot mula sa Twitter ni Nikki Bigornia

“Maraming salamat po sa lahat ng nagdasal at patuloy na nagdarasal para kay mommy. Natapos na po ang surgery niya nung isang araw at successful po ito,” ani Nikki sa kaniyang post nitong Lunes.

Gayun pa man, humihingi pa rin ng panalangin ang pamilya para sa patuloy na paggaling ng 55-anyos na Kapamilya TV and radio personality.

“Subalit, patuloy po kaming humihingi ng inyong mga dasal para sa tuluy-tuloy na recovery ni mommy,” ani Nikki Bigornia.

Screenshot mula sa Twitter ni Nikki Bigornia

Naiparating na rin umano niya sa kaniyang ina ang mga mensahe at pagmamahal ng lahat ng nagbigay ng suporta sa kanilang pamilya at ipinahahatid ni Doris ang kaniyang taos-pusong pasasalamat para dito.

“Ako rin po at ang aming pamilya ay nagpapasalamat sa inyong lahat. Dahil nabigyan niyo po kami ng lakas at pag-asa. Mahal na mahal namin kayo,” dagdag pa ng anak ni Doris.

Sa programa nilang ‘SRO’ unang ibinahagi ng kaniyang co-anchor na si Alvin Elchico ang tungkol sa nangyari sa kaniyang kasamahan noong nakaraang linggo.

Imahe mula sa DZMM Teleradyo – Facebook

Ayon kay Alvin, isinugod sa pagamutan si Doris matapos itong atakehin sa puso. Nasa ICU umano ito at kailangang sumailalim sa maselang open-heart surgery.

BASAHIN: Doris Bigornia sasailalim sa maselang surgery; pamilya humihingi ng panalangin

Si Doris ay kilala sa pagiging masayahin sa kanilang kuwelang tandem ni Alvin sa ‘SRO’ na maririnig at mapapanood sa DZMM teleradyo tuwing gabi.

Siya ay nagdiwang ng kaniyang ika-55 kaarawan noong Pebrero 17. Kilala rin bilang field reporter ng ‘TV Patrol’ at ANC, ilang award na rin ang natanggap ng beteranang broadcaster sa mga nagdaang taon sa industriya.

Loading…