Duterte pinayagan nang mag-import ng COVID vaccine ang mga pribadong kumpanya

Imahe mula sa PNA
  • Pumayag na ang Malakanyang na mag-import ng bakuna ang pribadong sektor
  • Inatasan na ng Pangulo si Galvez na lagdaan ang anumang dokumento na may kaugnayan dito
  • Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID sa bansa

Pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte na malayang makapag-import ng COVID-19 vaccine ang mga pribadong kumpanya anumang oras.

Sa kaniyang lingguhang pagharap sa publiko nitong Lunes nang gabi, ibinahagi ni Duterte na inatasan na niya umano si vaccine czar Sec. Carlito Galvez na payagan na ang pribadong sektor na makabili ng bakuna sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID sa bansa.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

“I have ordered Secretary Galvez to sign any and all documents that would allow the private sector to import at will, maski ilan ang gusto nilang ipasok, okay sa akin,” pahayag ng Pangulo.

Bagama’t walang katiyakan kung ilang doses ang maaaring mabili ng mga pribadong kumpanya, makatutulong pa rin umano ito lalo pa’t limitado ang maaaring makuha ng gobyerno sa ngayon.

“Tayong gobyerno, ito lang ang nakuha natin, ito lang din ang binigay,” ani Duterte.

Marami na raw kasing mga employer ang nagpahayag na nais nilang sila na mismo ang bumili nga COVID-19 vaccine para sa kanilang mga empleyado upang makapagbukas na sila ng negosyo at maging tuloy-tuloy na ang operasyon.

Screenshot mula sa RTVM video

“Maraming negosyante na gusto bumili kasi ibigay nila sa kanilang mga trabahente. Yung mga factories nila, walang trabahante because maraming restrictions sa mobility ng tao,” ayon pa kay Duterte.

Noong nakaraang linggo ay iginiit ng Malakanyang na bagama’t puwede nang bumili ng bakuna ang private sector, kailangan pa rin na ito ay nasa ilalim ng tripartite agreement ng kumpanya, gobyerno at manufacturer.

Pangunahing dahilan nito ay ang ‘indemnity clause’ na kailangang lagdaan sa kontrata kung saan nasasaad dito na tanging ang gobyerno na lamang, at hindi ang pribadong sektor o ang manufacturer, ang liable na magbayad ng kompensasyon sa mga naturukan ng bakunang magkakaroon ng adverse effects.

Loading…